Advertisers
NATAGPUAN ang isang .357 Magnum revolver sa bag ng isang 14-anyos na estud-yante sa surprise inspection sa Lut-od National High School sa Pinamungajan, Cebu nitong Huwebes.
Ayon sa Cebu Police Provincial Office (CPPO), isang guro ang nagsasagawa ng inspeksyon sa mga bag ng mga estudyante nang madiskubre ang baril.
Wala namang bala ang revolver nang makuha at agad itong isinuko sa mga awtoridad para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Batay sa paunang imbestigasyon, pag-aari ng lolo ng estudyante ang baril at nakatago ito sa isang cabinet sa kanilang bahay.
Kinuha umano ng menor de edad ang armas at dinala sa paaralan.
Napag-alaman din ng pulisya na nakatira ang bata sa kanyang mga lolo at lola habang nagtatrabaho sa ibang lugar ang kanyang mga magulang.
Isinailalim ang estudyante sa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office para sa kaukulang assessment at intervention.
Pinuri ni Cebu Police Provincial director Colonel Abubakar Mangelen ang mga school personnel sa agarang pag-report ng insidente.
Aniya, nakatulong ang mabilis na aksyon upang maagapan ang anumang posibleng panganib sa loob ng paaralan.