Advertisers

Advertisers

NIÑO MUHLACH NAKATULOG SA PAGMAMANEHO, INARARO MGA TINDAHAN

0 6

Advertisers

INAKO ng aktor na si Niño Muhlach ang pana-nagutan sa aksidenteng ikinasugat ng isang tao at ikinasira ng ilang establisimyento sa Marcos Highway, Antipolo City noong Linggo.
Ayon sa ulat, tumawid sa kabilang lane ang minamanehong SUV ni Muhlach bago bumangga sa tatlong tinda-han, kabilang ang isang kainan. Isang motorsiklo rin ang nahagip at naipit sa ilalim ng sasakyan.
Unang sinabi ng pulisya na posibleng nagkaproblema ang makina kaya nawalan ng kontrol sa manibela ang aktor. Pero itinanggi ito ni Muhlach sa kanyang pahayag sa Instagram.
“I want to be completely clear and honest: the accident was entirely my fault,” ani Muhlach.
Inamin niyang nakatulog siya habang nagmamaneho dahil sa matinding pagod mula sa kanyang trabaho.
“Due to an extremely demanding and exhausting schedule, I fell asleep behind the wheel,” aniya.
Sinabi ng aktor na day off noon ng kanyang regular driver kaya siya mismo ang nagmaneho. Iginiit niyang hindi dahilan ang pagod sa nangyari.
“While fatigue overtook me, that is no excuse. Falling asleep at the wheel led directly to hitting a pedestrian and damaging nearby establishments,” dagdag niya.
Ayon sa ulat, nakipag-ayos si Muhlach sa mga may-ari ng mga napinsalang establisimyento at sinagot ang gastusing medikal ng nasugatan.
“I take full personal and legal responsibility for what happened,” ani Muhlach, sabay sabing nakikipagtulungan siya sa mga awtoridad at babayaran ang pinsala sa mga naapektuhan.
Hindi pa malinaw kung may isasampang reklamo kaugnay ng aksidente.
Samantala, naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order laban kay Niño Muhlach.
Ayon sa LTO nitong Martes, batay sa imbestigasyon at mga nakalap na ebidensya, nawalan ng kontrol si Muhlach sa sasakyan na napunta sa kabilang linya ng kalsada bago bumangga sa tatlong establisimyento at isang nakaparadang motorsiklo.
Inatasan ng LTO si Muhlach na dumalo sa nakatakdang pagdinig ng Intelligence and Investigation Division sa Agosto 28 at magsumite ng kanyang sinumpaang paliwanag at kaukulang dokumento kaugnay ng insidente.
Maaaring maharap ang aktor sa kasong reckless driving, gayundin sa posibleng pagsuspinde o pagbawi ng kanyang lisensya dahil sa pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Isinailalim din sa 90-araw na preventive suspension ang kanyang lisensya at inatasang agad itong isuko sa LTO. Naka-alarm status naman ang sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. (Edwin Moreno)