Advertisers
Ni Mercy Lejarde
Ibinahagi ng aktres na si Danica Sotto na naging isyu sa kanilang mag-asawang si Marc Pingris ang pagbili nito ng dalawang lote na hindi agad ipinaalam sa kanya.
Sa panayam sa YouTube channel na House of D, ibinahagi ni Marc, na bumili siya ng lupa ngunit hindi niya agad nasabi kay Danica ang tungkol dito.
“Hindi ko minsan nasasabi sa kanya kasi dati, kapag may pera ako, yung mga lote ang binibili ko,” kuwento ni Marc.
Ayon pa kay Marc, paraan niya ang pagbili ng lupa bilang investment. Kapag tumagal at ibinenta niya ito, ginagamit niya ang kinita o tubo para muling bumili ng panibagong property.
“Kasi ako, kapag may extra pera ako at nakatabi naman yung budget sa kanila, para sa akin gusto kong bumili ng mga lote. Mag-invest minsan,” paliwanag ni Marc.
Dito naman inamin ni Danica na may mga pagkakataong saka na lamang niya nalalaman na may nabili palang lupa ang kanyang asawa.
“May lupa ka pala, may binili ka palang lupa dito,” ani Danica, na sinundan ng pag-amin, “Naging issue ‘yun ah.”
Sa pagpapatuloy ng kanilang kuwento, ibinahagi ni Danica na may dalawang property si Marc na hindi nito na-disclose sa kanya.
“Ito nga ‘yung catch, meron siyang dalawa na hindi na-disclose sa akin, so siyempre,” ani Danica.
Naitanong din ni Dina Bonnevie, ina ni Danica, kung bakit hindi agad sinabi ni Marc ang tungkol sa mga naturang lupa.
Marc, bakit? Ano? Hindi ano? Meron ba? Meron ka bang ititira doon? Charot!” pabirong tanong ni Dina.
Paliwanag naman ni Marc, nasa bahay lamang ang mga titulo ng kanyang mga property.
“Yung mga titulo naman, Ma, nasa bahay,” sagot ni Marc.
Ngunit para kay Danica, mahalagang alam nilang mag-asawa ang lahat ng kanilang financial investments, lalo na’t may mga obligasyong kaakibat ang pagkakaroon ng property, gaya ng pagbabayad ng amilyar.
Aniya, may pagkakataon ding kailangan niyang magpaalala kay Marc tungkol sa mga bayarin dahil hindi naman niya alam kung alin ang mga property na mayroon ang kanyang asawa.
Ibinahagi rin ni Danica ang kuwento tungkol sa isa sa mga lupang hindi niya agad nalaman. Aniya, ang property ay orihinal na sangla sa isang taong umutang kay Marc.
“Naging issue tapos sabi niya, hindi yan ‘yung kay dun sa isang kapitbahay kasi ang story, supposedly sinanla,” kuwento ni Danica.
Paglilinaw naman ni Marc, “Umutang sa akin.”
Ayon kay Danica, hindi na raw nabayaran ang utang kaya napagdesisyunan ni Marc na bilhin na lamang ang property.
Para sa aktres, maliit man o malaking bagay, mahalaga pa ring may transparency sa kanilang pagsasama.
“Small or big things, you have to tell. We have to disclose it kasi kung may something din na emergency, wala naman din ibang tutulong sa’yo kung hindi ang asawa mo,” saad ni Danica.
Well, may katwiran naman si Danica.
———
Mas pinainit at pina-sexy ang ika-apat na season ng kauna-unahang reality queer dating series na “Sparks Camp,” hatid ang mas nagbabagang hamon, drama, at romansa sa isla na tiyak magpapakilig din sa mga manonood sa bago nitong tahanan sa iWant.
Inilahad na rin kamakailan ang bagong set ng mga camper na handang magpainit sa patok na queer dating show, tulad nina “Mr. Explore-Actor” Tommy, “The Drag Queen-Sation” Ian, “The Japinoy Charmer” Taku, “The Shy Achiever” Jury, at “The Babyboy Next Door” Michael.
Kasali rin ang “The Walkin’ Conyo Heartthrob” Joaquin, “The Gio-Target Chinito” Gio, “The Genz-Incere Lover” EJ, “The Daddy-Sirable Cutie” Beej, at “The Fil-Am-Azing Wonderboy” Howie.
Makakasama pa rin nila ang “Mother Sparker” na si Mela Habijan na gagabay sa kanilang pakikipagsapalaran na mahanap ang kanilang true spark sa isla.
Sa direksyon muli ni Ted Boborol, ang bagong season ng “Sparks Camp” ay kolaborasyon ng iWant at PlayTime Entertainment matapos ang mainit na pagtanggap sa vertical drama serye nitong “Will You Fake Marry Me?” nina JM Ibarra at Fyang Smith.
Abangan ang “Sparks Camp” Season 4 ngayong Setyembre sa iWant. Mapapanood ang early access ng mga episode nito sa pamamagitan ng subscription plans na nagsisimula sa P35 kada buwan sa Pilipinas, at USD 4.99 kada buwan sa United States* (*promo price hanggang Oktubre 31, 2026) at iba pang bansa.