Advertisers
IGINIIT ni Atty. Paul Lawrence Lim na hindi binig-yan ng special treatment si Vice President Sara Duterte nang sumalang sa booking procedure sa Quezon City Regional Trial Court kaugnay ng kasong grave threats.
“Wala naman special treatment na binigay sa ating Bise Presidente, so you have to go through the same process,” ani Lim.
Sinabi rin ni Lim na nagsumite si Duterte ng kanyang sariling larawan sa korte nang tanungin tungkol sa mugshot ng Bise Presidente.
“Mugshot kasi ang understanding ko do’n, ‘yung pulis ang kumukuha no’n. Pero ‘yung sa pictures, her pictures were taken and they’re submitted. Nando’n narin ‘yung mga certificates na required to be submitted… tapos ‘yung fingerprints,” dagdag ni Lim.
“The Vice President voluntarily appeared before the court that issued the warrant. So there was no need for her to be arrested,” giit pa niya.
Naglagak nitong Sabado si Duterte ng P360,000 piyansa para sa tatlong bilang ng ‘grave threats’ na isinampa laban sa kanya ng Department of Justice (DOJ).
May kinalaman ang mga kaso sa kanyang pahayag na mayroon siyang kinuhang indibidwal upang paslangin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at noo’y House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapaslang.
Pinayuhan ng kanyang mga abogado si Vice President Sara Duterte na magpiyansa kaugnay ng kasong grave threats sa halip na manatili sa kustodiya ng pulisya dahil mas maaari siyang maprotektahan ng mga sibilyan.
“Ipinaliwanag nila na mas maaari akong maprotektahan ng mga sibilyan na makakakita at makakapansin sa aking kalagayan, kumpara sa pana-natili sa detensyon kungsaan ako ay nakahiwalay at mas mahina ang proteksiyon,” ani Duterte.
Sinabi rin ni Duterte na mula pa 2023 ay patuloy ang panggigipit at pangha-harass sa kanya mula sa gobyerno.
“Hindi ko nararamdaman na ligtas ang aking ina at mga anak kung mananatili akong kasama nila, at labis akong nag-aalala para sa kanilang kaligtasan at kapakanan,” dagdag niya.
“Ang aking pangamba ay siya ring pangamba ng nakararaming mamamayan. Hindi lamang kaligtasan ng kanilang pamilya, buhay at pagkatao ang kanilang ipinag-aalala, kundi pati na rin ang kanilang mga ari-arian at kabuhayan dahil sa kawalan ng sapat at tamang serbisyo publiko at talamak na kurapsyon,” sabi pa ni Duterte.
“I do not feel safe. Pakiramdam ko papatayin nila ako,” dagdag ni VP Sara.