Advertisers

Advertisers

Palasyo walang paki sa pag-aresto kay Romualdez

0 4

Advertisers

DUMISTANSYA ang Malakanyang sa mga legal na prosesong kinasasangkutan ni dating House Speaker Martin Romualdez, na pinsan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at binigyang-diin na ang mga korte ang dapat magpasya sa kaso batay sa mga ebidensya at sa batas.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ipauubaya ng administrasyon sa mga kinauukulang awtoridad at sa mga doktor ni Romualdez ang mga desisyon tungkol sa kanyang kustodiya at kondisyong medikal.

“Sa ngayon walang pinag-uusapan tungkol sa hospital arrest; depende na po kasi iyan kung ano ang magiging findings ng doktor,” pahayag niya sa isang briefing sa Palasyo.



Ginawa ni Castro ang pahayag matapos hilingin ng kampo ni Romualdez na manatili siya sa ospital kasunod ng kanyang pag-aresto dahil sa warrant mula sa Sandiganbayan.

Itinanggi rin ni Castro ang mga alegasyon ng espesyal na pagtrato matapos payagang manatili sa ospital ang dating lider ng Kamara sa kabila ng kanyang pag-aresto.



Aniya, mabilis na kumilos ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng warrant at dapat hayaan ang mga doktor na magpasya kung maaari nang ilipat si Romualdez mula sa ospital.

“Hindi naman din maipipilit ng (Philippine National Police) o ng pamunuan ng (Department of the Interior and Local Government) na dalhin agad ang isang akusado na nasertipikahan na hindi pa nararapat na tanggalin o i-remove mula sa ospital,” wika ni Castro.



Sinabi niyang ibibigay ng Palasyo ang tiwala o “benefit of the doubt” sa mga doktor hinggil sa kondisyong medikal ni Romualdez.

Nang tanungin kung nakausap na ng Pangulo si Romualdez o kung may plano siyang bisitahin ito, sinabi ni Castro na wala siyang natanggap na impormasyon tungkol sa nasabing plano.

Tumanggi rin siyang talakayin ang personal na saloobin ng Pangulo tungkol sa pag-aresto sa kanyang pinsan, at sinabing mas mahalaga ang pananagutan at ang prosesong hudisyal.

Sa mga pahayag na si Romualdez ay “nilaglag” o inabandona ng administrasyon, tinanggihan ni Castro ang karakterisasyon.

Inaresto si Romualdez noong Lunes ng gabi batay sa warrant na nag-ugat sa mga kasong plunder na isinampa ng Office of the Ombudsman laban sa kanya, sa dating kinatawan ng Ako-Bicol Party-list na si Zaldy Co, at sa dalawa pang indibidwal kaugnay ng umano’y maling paggamit ng PHP7.4 bilyon na pondo ng gobyerno.

Sinabi ng Ombudsman na tututulan nito ang hiling ni Romualdez na manatili sa ospital at hihiling ng pagsusuri mula sa mga doktor ng gobyerno kung maaari bang gamutin ang kanyang kondisyong medikal sa labas ng ospital. (Vanz Fernandez)