Advertisers
IBINASURA ng Supreme Court (SC) ang kasong graft laban kay dating First Lady Imelda Marcos.
Nahaharap si Marcos sa pitong counts ng graft kaugnay sa financial inte-rests sa mga private foundations sa Switzerland habang nagsisilbi siyang opisyal sa termino ng asawang si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
Hinatulan siyang guilty noong 2018 ng Sandiganbayan at naglabas din kalaunan ng arrest warrant ang korte.
Pero sa desisyon ni Associate Justice Rodil Zalameda, binaliktad ng Kataas-taasang Hukuman ang ruling ng anti-graft court at sinabing nabigo umano ang prosekusyon na patunayan ang pagiging guilty beyond reasonable doubt ng dating unang ginang.
Partikular na tinukoy dito ng Supreme Court na hindi napatunayan ng prosekusyon na ang mga foundation na tinutukoy sa kaso ay mga negosyo batay sa karaniwang kahulugan ng salita.
Sinabi ng korte na hindi saklaw ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang anumang financial interest sa mga nasabing foundation at kung may pagdududa anila sa saklaw ng salitang “business” ay dapat itong lutasin pabor sa akusado.
Dahil dito, pinagbigyan ng Kataas-taasang Hukuman ang apela ni Marcos habang binaligtad at isinantabi na ang desisyon ng Sandiganbayan noong 2018 at tuluyang inabswelto sa pitong counts ng graft.