Advertisers

Advertisers

TITSER PINAINOM NG DINURUAN NA SOFTDRINK ANG 2 ESTUDYANTE

0 28

Advertisers

INIIMBESTIGAHAN ang isang guro nang iutos sa mga mag-aaral na pagpasa-pasahan at duraan ang softdrinks bago ipainom sa dalawang estudyante sa Mapandan, Pangasinan.
Sa video na ibinigay ng konsehal ng Mangaldan, Pangasinan na si Russel Simorio, nakita ang pag-utos ng isang guro sa isang paaralan sa Mapandan sa mga estudyante niya na pagpasa-pasahan ang isang bote ng softdrink at duraan.
Maririnig ang mga nandidiri at hindi makapaniwalang mga estudyante habang pinagpa-pasahan at dinuduraan ang softdrink.
Dalawang estudyante ang nakatayo sa likod habang pinapagalitan ng guro. Hindi pa malinaw kung ano ang ikinagagalit ng naturang guro.
Maya-maya pa ay lumabas na ng silid ang guro.
Matapos ang insidente, isang kaklase nila ang sumigaw ng “tama na!” pero iniabot parin ng ilan sa kanilang kaklase ang bote sa dalawang nakatayo at ipinainom ito sa kanila. Sa mga oras na ito, hindi na magkamayaw ang sigawan ng mga bata lalo nang inumin ng dalawang estud-yante ang softdrink.
Hindi nagtagal, tumakbo na sa labas ang dalawa at sumuka sa plantbox ng ilang minuto. Tinulungan sila ng mga kaklase.
“Tapikin niyo ang likod,” sabi ng isa sa kanila. Isa pang estudyante ang nagsabi na dapat malaman ng guro nila ang nangyayari.
Nang bumalik ang dalawa sa loob ng silid, maririnig na naduduwal parin ang isa sa kanila habang tinatakpan niya ang mukha niya ng t-shirt at tila umiiyak.
Sa puntong ito, kinakausap na siya ng mga kaklase nya. “Bakit mo kasi ginawa iyon? Alam niyong mali.”
Isa rin sa mga bata ang nagpaalala sa mga kaklase, “Huwag niyong sigawan. Sabihin niyo sa tamang paraan, hindi ‘yung sinisigawan niyo,” aniya.
Ayon kay Mapandan Councilor Percival Biagtan, agad niyang kinausap ang MSWD at DepEd Schools Division Office (SDO) 1 Pangasinan.
Aniya, ipinakiusap niyang ipacheck-up agad ang mga bata.
“Ang pangunahing concern ko ay ang mga bata. Kailangan nilang maipacheck-up sa lalong madaling panahon. Kung ano ang gagawin sa teacher, sa DepEd ko na ito ipinapaubaya,” aniya.
Sinusubukan nang kunin ang panig ng paaralan, ng SDO 1 Pangasinan, at magulang ng mga batang pinainom ng softdrink.