Advertisers

Advertisers

MGA TANONG NA DAPAT SAGUTIN SA BUREAU OF CUSTOMS

0 13

Advertisers

Nabunyag na may panibagong impormasyon na lumutang kaugnay nang pagkakasangkot ng isang kawani ng Bureau of Customs (BOC) sa isang operasyon laban sa ilegal na sigarilyo sa Sta. Maria, Bulacan.

Aba’y ang pangalan ni Alexander “Alex” Arroyo Jr., isang Administrative Aide 2 o Messenger, ay lumitaw sa imbestigasyon matapos daw itong makita sa lugar nang isagawa ang raid noong Agosto 19.

Hindi natin dapat agad husgahan si Arroyo dahil lamang sa kanyang presensya sa lugar. Ang mahalaga ay malaman kung ano ang kanyang tunay na pakay at kung may awtoridad ba siya sa kanyang pagpunta roon.

Lalong naging mahalaga ang tanong matapos lumabas ang isang Customs Personnel Order (CPO) na nagpapakitang nakatalaga raw si Arroyo sa Customshouse sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kung tama ang dokumentong hawak natin, kailangang linawin kung bakit napunta sa isang warehouse sa Bulacan ang isang kawani na nakatalaga naman sa BOC-NAIA?

May isa pang mahalagang detalye. Ayon sa impormasyon mula sa mga sources ng inyong lingkod, hindi pa raw pala nakapag-take oath of office si Arroyo at kamakailan lamang nagsumite ng mga kinakailangang dokumento para sa kanyang appointment.

Kung ganoon, nararapat lamang na beripikahin ng Customs ang kanyang status noong araw ng operasyon.

Sa investigative report na isinumite kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, sinasabing si Special Agent Lucky Joy “Joy” Solmayor lamang ang may valid Mission Order para sa nasabing warehouse.

Kung mapatutunayang tama ito, makatuwirang itanong kung ano ang dahilan at awtoridad ng iba pang tauhan ng Customs na naroon?

Ngunit dapat ding maging patas. Hindi sapat ang presensya ng isang tao sa isang lugar para agad siyang ituring na sangkot sa ilegal na aktibidad. Kailangan pa rin ang ebidensya at malinaw na resulta ng imbestigasyon.

Dito dapat pumasok ang pamunuan ng ahensya. Hindi lamang dapat ipaliwanag kung ano ang nangyari kundi tukuyin kung may paglabag sa kanilang mga patakaran.

Mas importante ring malaman kung sino ang nagbigay ng pahintulot, kung mayroon man, at kung may mga dokumentong maaaring magpatunay dito.

Kasabay nito, dapat ding ipaliwanag ng Customs kung paano nakalulusot ang malalaking kargamento ng ismagel na sigarilyo, kabilang ang 15 trailer trucks na nasabat sa Bataan at Pampanga na tinatayang nagkakahalaga ng halos isang bilyong piso.

Sa totoo lang, hindi ito simpleng usapin ng isang kawani. Usapin ito ng integridad ng isang institusyong may malaking tungkulin sa pagpigil sa smuggling.

Kaya ang hinihingi ng publiko ay hindi agad paghatol, kundi malinaw na imbestigasyon, transparency at pananagutan kung may mapatutunayang paglabag.

***

Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.