Advertisers
Nanguna si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa pamamahagi ng tig-tatlong kilo ng bigas sa 250 magulang ng daycare mula sa Districts V at VI at Baseco sa ilalim ng Rice for Work Program ng lungsod.
Isinagawa ang pamamahagi ngayong Setyembre 10 sa Dakota Court sa President Quirino Avenue, Malate.
Sa temang “Kaagapay sa Hapag-Kainan,” nagbibigay ang programa ng tig-tatlong kilo ng bigas sa mga kwalipikadong benepisyaryo kapalit ng kanilang pakikilahok sa mga community clean-up at gawaing pangkalikasan.
“Puwede bang tulungan ninyo ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila na maglinis ng ating kapaligiran. Naglinis ka na, kapaki-pakinabang na ang oras mo. Pag-uwi mo, may chi-cha ka pa,” ani Domagoso.
Kasama rin sa pamamahagi sina Vice Mayor Angela Lei “Chi” Atienza at Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay dela Fuente.
Ang ikalawang batch ng Rice for Work Program ay isasagawa mula Setyembre 10 hanggang 21, kung saan nakatakda ang community clean-up at environmental activities tuwing Martes at Huwebes.
Layunin ng programa na makatulong sa agarang pangangailangan sa pagkain ng mga pamilyang nangangailangan, habang hinihikayat ang mga Manilenyo na makilahok sa pagpapanatiling malinis, ligtas at malusog ng kanilang mga komunidad.
Itinataguyod din nito ang boluntarismo, pananagutang sibiko at bayanihan sa mga residente ng lungsod.
Hinimok naman ni Domagoso ang mga magulang na tumulong sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon tungkol sa leptospirosis, dahil makatutulong ang maagap at wastong kaalaman upang maprotektahan ang kanilang mga pamilya at komunidad.(BP)