Advertisers

Advertisers

PBBM, nagdeklara ng 10 bagong National Artists

0 2

Advertisers

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 10 Pilipino bilang mga bagong Pambansang Alagad ng Sining (National Artists) bilang pagkilala sa kanilang mahahalagang ambag sa sining at panitikan ng Pilipinas sa mga larangan ng panitikan, sining biswal, arkitektura, sayaw, disenyo, pelikula, teatro, at musika.

Kinumpirma ni Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez ang paggawad ng karangalan noong Miyerkules ng gabi, batay sa Proclamation No. 1414 na nilagdaan ni Marcos noong Setyembre 1.

Ang mga bagong Pambansang Alagad ng Sining ay sina Nicanor Tiongson at Gregorio Brillantes para sa Panitikan; Imelda Cajipe Endaya at Nunelucio Alvarado para sa Sining Biswal; Gabriel Formoso para sa Arkitektura; Rafael “Nonoy” Froilan para sa Sayaw; Maria Beatriz “Patis” Tesoro para sa Disenyo; Armando “Bing” Lao para sa Pelikula at Broadcast Arts; Teodoro Hilado para sa Teatro; at Alfredo S. Buenaventura para sa Musika.



Iginawad ang karangalan kina Formoso, Brillantes, Lao, at Hilado matapos na silang pumanaw.

Ang Order of National Artists ang pinakamataas na pambansang pagkilala ng bansa para sa mga Pilipinong nagbigay ng natatangi at mahalagang ambag sa pag-unlad ng sining at panitikan ng Pilipinas.



Iginawad ng Pangulo ang karangalan batay sa rekomendasyon ng Cultural Center of the Philippines at ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Ang mga Pambansang Alagad ng Sining ay tumatanggap ng titulo at ranggo bilang National Artist, isang medallion na may gintong patong na ginawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas, isang sertipiko ng pagkilala, at isang Grand Collar sa mga pormal na seremonya.



Kalakip din ng karangalan ang mga benepisyong panghabambuhay; batay sa kasalukuyang mga alituntunin ng NCCA, ang mga buhay pang Pambansang Alagad ng Sining ay tumatanggap ng hindi bababa sa PHP200,000 na cash award (neto ng buwis) at PHP50,000 na buwanang allowance habambuhay.

May karapatan din sila sa mga benepisyong medikal at pang-ospital na umaabot sa PHP750,000 bawat taon at life insurance coverage sa pamamagitan ng Government Service Insurance System at/o mga pribadong kompanya ng insurance, alinsunod sa mga naaangkop na tuntunin at kwalipikasyon sa insurance.

Ang mga Pambansang Alagad ng Sining ay binibigyan ng State Funeral (Libing ng Estado) sa oras ng kanilang pagpanaw, kung saan ang mga kaayusan at gastusin ay sasagutin ng pamahalaan, at sila ay binibigyan ng natatanging puwesto sa mga opisyal na pagtitipon ng estado, mga pambansang paggunita, at mga pagtatanghal na kultural. (Vanz Fernandez)