Advertisers
Pinapurihan ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang Philippine National Police (PNP) sa pagkakasabat ng 15 container trucks na may halos P960 milyong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes sa Bataan at Pampanga.
“Malaking bagay ang kontribusyon ng ating kapulisan sa ating kampanya laban sa smuggling. Habang binabantayan ng BOC ang ating mga pantalan at hangganan laban sa pagpasok ng mga kontrabando, mahalaga ang papel ng PNP sa pagbabantay sa ating mga komunidad at mga pribadong pantalan upang mapigilan ang paggalaw at distribusyon ng mga iligal na produkto,” ani Commissioner Nepomuceno.
Nagpahayag din si Nepomuceno ng pasasalamat sa PNP at iba pang police units para sa kanilang suporta at paglaban sa smuggling.
“Nagpapasalamat tayo sa PNP na patuloy na tumutulong sa pagsugpo sa smuggling sa iba’t ibang panig ng bansa. Patuloy nating kinikilala ang mahalagang papel ng ating kapulisan sa pagprotekta sa publiko at pagpapanatili ng kaayusan sa lehitimong kalakalan,” aniya pa. (JERRY S. TAN)