Advertisers
INIULAT ng Bureau of Customs-NAIA ang pagkakakumpiska ng 11 abandonadong inbound parcels na naglalaman ng hinihinalang illegal drugs na nagkakahalaga ng P6,835,780.
Sa ulat mula sa tanggapan ni BOC-NAIA District Collector Atty. Yasmin Mapa, ang naturang droga ay nakumpiska sa pakikipag-ugnayan sa NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) at PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP) sa Central Mail Exchange Center (CMEC) na matatagpuan sa Domestic Road, Pasay City.
Ang operasyon ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng intelligence personnel ng PNP AVSEGROUP at NAIA-IADITG, na nagsagawa ng drug interdiction operation kasunod ng pagkakadiskubre ng iligal na nilalaman ng mga parcel nang dumaan ang mga ito sa cargo X-ray screening at manual inspection ng Bureau of Customs (BOC) personnel. Nagkaroon din ng K-9 panelingang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay Mapa, ang mga nasabing parcel ay naglalaman ng 3,341 grams ng suspected Marijuana Kush, 979 piraso ng suspected MDMA o Ecstasy, 6.6 grams ng Cocaine, 25 grams ng Ketamine, 790 grams ng Opium Poppies at 10 grams ng Marijuana Resin, na pawang nai-turnover na sa PDEA National Office in Diliman, Quezon City.
Ipinangako naman ni PNP-AVSEGROUP Director PBGen Dionisio Bartolome, Jr. ang “commitment to strengthening intelligence-led interdiction efforts to prevent illegal drugs from entering the country through airports and mail facilities.” (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)