Advertisers
NASABAT ng mga operatiba ng Batangas Provincial Office sa bayan ng Bauan ang isang truck na naglululan ng mga nakaw na tinatayang libong litro ng diesel mula sa kanugnog na oil depot sa bayan ng Mabini madaling araw ng Sabado, Sept. 12, 2026, at nabunyag ang “pana-pana” (spear fishing) modus na bagong style sa oil/petroleum pilferage o buriki/paihi.
Naaresto ang driver na si alyas “Brian” na siya ring kapitalista at maintainner ng kuta ng burikian sa Barangay San Pedro, Bauan.
Ayon sa pulisya, target nila ang isa pang sindikato na pinamumunuan ng isang alyas “Bunny” na kilala rin sa alyas “Sgt. Mercado”, operator ng pasingaw ng Liquified Petroleum Gas (LPG), at ang kasabwat nitong isang tomboy na Chinese military spy na nagkukuta sa bayan ng Ibaan, Batangas.
Ang tomboy na Chinese military spy na naging mayor din ng isang bayan sa Batangas ay nagpupuslit din ng shabu mula sa mainland China.
Nasabat ang suspek sa Brgy. San Juan, Bauan 3:20 ng madaling araw habang minamaneho ang isang Isuzu Elf truck (DXZ 680) na naglululan ng malalaking 2D plastic containers na pinagsisidlan ng ‘di pa mabatid na kantidad ng diesel patungo sa direksyon ng nasabing kuta.
Tinutugis pa ng pulisya ang kasabwat ni Brian na driver ng tanker truck na pinagnakawan ng produktong petrolyo mula sa oil depot sa Mabini. Nasa impounding area na ng Batangas PPO ang Isuzu truck kasama ang malaking kantidad ng nakumpiskang diesel.
Bukod sa Isuzu Elf truck, nakumpiska rin ng mga operatiba ni Batangas PNP Provincial Director, Colonel Oliver Ebora, ang IBC tote na sisidlan ng diesel at isang chemical hose na gamit sa pagpapatulo/pagpapaihi ng petrolyo mula sa pinagnakawang tanker truck.
Lumilitaw sa pangunang pagsisiyasat na naharang ng pulisya ang Isuzu truck habang bumabagtas sa Brgy. San Juan patungo sa direksyon ng Brgy. San Pedro, Bauan na kinaroroonan ng matagal nang pinagkukutaang vulcanizing shop na front sa pilferage o buriki/paihi operation.
Nadiskubre ng pulisya na hindi lamang sa Batangas kundi maging sa iba’t ibang probinsya at rehiyon ginagawa ng sindikato ang “pana-pana” modus na istilo sa kanilang pagnanakaw ng petroleum products at pasingaw ng LPG.
Simula nang inilunsad ang nationwide na kampanya laban sa oil and petroleum pilferage, na paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33 as amended by P.D No. 1865, ay binago ng mga sindikato ang nakagawiang pagpapasok sa kanilang mga kuta ng mga pinagnanakawan na mga tanker truck.
Nagtatakda ang magnanakaw na tanker driver at ang grupo ng sindikatong buriki/paihi kung saan “papanain” o tatagpuin ang nanakawang tanker truck, lingid sa kaalaman ng mga depot operator, hauling truck owner at maging ng lehitimong buyer ng produktong petrolyo.
Matapos ang matagumpay na “pana-pana operation” ay iniimbak na ng sindikato ang mga nakaw na produkto at isinasabay sa pagtaas ng presyo sa merkado saka ibebenta sa kanilang regular na fence/buyer ng nakaw na petroleum at LPG products. (CRIS A. IBON/KOI LAURA)