Advertisers
MULING sisimulan ng House prosecution panel sa Lunes ang paglalahad ng mga ebidensya kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Vice President Sara Z. Duterte, kabilang ang kanyang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at mga rekord ng mga kumpanyang may kaugnayan sa kanya.
Sa Article II ng impeachment complaint, inaakusahan si Duterte ng pagtataksil sa tiwala ng publiko dahil umano sa pagkakaroon ng yamang hindi tugma sa kanyang legal na kinikita, gayundin sa kabiguang lubos at tapat na ideklara ang kanyang mga ari-arian at pananagutan.
Pangungunahan nina Bicol Saro Party-list Representative Terry L. Ridon at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang prosecution team para sa Article II.
Tatlong unang testigo ang inihanda ng prosecution: sina retiradong Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, Office of the Ombudsman Records Division Officer-in-Charge Atty. Karen Batu, at Securities and Exchange Commission (SEC) Company Registration and Monitoring Department Director Atty. Gerardo del Rosario.
Inaasahang magbibigay ng testimonya si Cabotaje-Tang tungkol sa mga prinsipyo ng pananagutan at integridad ng mga opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga mekanismo para tugunan ang mga hindi idineklarang ari-arian o hindi maipaliwanag na yaman at mga ipinagbabawal na interes sa negosyo.
Si Batu naman ang maglalahad ng mga SALN ni Duterte na nasa kustodiya ng Office of the Ombudsman.
Samantala, inaasahang tutukoy at magpapatunay si Del Rosario sa mga rekord ng SEC tungkol sa mga kumpanyang at interes sa negosyo na iniuugnay kay Duterte at sa kanyang asawang si lawyer Manases “Mans” Carpio.
Inaasahang ihaharap ang tatlong testigo sa naturang pagkakasunod-sunod habang inilalatag ng prosecution ang mga dokumentaryo at testimonial na ebidensya nito laban sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
Nauna nang sinabi ni Ridon na tinatapos na ng prosecution ang paghahanda sa mga dokumentaryo at testimonial na ebidensya.
Mahigit 1,800 dokumento mula sa bangko, buwis at iba pang rekord pinansyal ang inihahanda ng prosecution para sa Article II, kabilang ang mga rekord na may kinalaman kay Duterte, Carpio at mga kumpanyang iniuugnay sa kanila.
Inilarawan ni Ridon ang mga bank record at rekord mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na nakuha ng prosecution bilang “huling mahalagang haligi” ng kanilang ebidensya sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.
Balak ng mga prosecutor na suriin ang mga rekord pinansyal kasabay ng mga SALN ni Duterte at impormasyon mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang matukoy kung ang kanyang mga ari-arian at transaksyong pinansyal ay maitutugma sa kanyang idineklarang yaman at lehitimong pinagkukunan ng kita.
Nagsilbi rin ang prosecution kay Duterte ng 104 request for admission na may kaugnayan sa mga bank record na isinubpoena at sa pagmamay-ari ng mga account na natukoy sa mga rekord.
Binigyan ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero ang depensa ng 15 araw para tumugon, ngunit nilinaw niyang hindi nito maaantala ang paglilitis.
Ang paglalahad ng ebidensya para sa Article II ay kasunod ng pagkumpleto ng prosecution sa Article I, na inaakusahan si Duterte ng maling paggamit at iregular na liquidation ng ?612.5 milyon confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd).
Nauna naring natapos ng prosecution ang paglalahad ng ebidensya sa artikulong tumatalakay sa umano’y pagbabanta ni Duterte kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
May isa pang artikulo na tumatalakay sa alegasyon ng panunuhol na nag-ugat sa mga sobreng may lamang pera na ibinigay sa mga opisyal ng DepEd. Sinabi ng mga prosecutor na pinag-aaralan pa nila kung itutuloy ang naturang artikulo habang sinisikap nilang paikliin ang paglilitis.
Noong Mayo 11, in-impeach ng Kamara si Duterte sa botong 257-25, habang siyam ang nag-abstain. Pagkaraan ng dalawang araw, ipinadala sa Senado ang Articles of Impeachment.
Bumuo naman ang Senado ng impeachment court at nagsagawa ng mga pretrial proceeding, kabilang ang pagmamarka sa libo-libong dokumentaryong ebidensyang isinumite ng prosecution at depensa.
Natapos ang pretrial conference huling bahagi ng Hunyo, nagbigay-daan sa pagsisimula ng aktuwal na paglilitis noong Hulyo 6.