Advertisers
Kami sa Partido Demokratiko Pilipino (PDP-LABAN) ay mariing nananawagan sa Tanggapan ng Ombudsman, sa pagtupad nito sa tungkulin bilang pinakamakapangyarihang institusyong laban sa katiwalian na nilikha ng Konstitusyon, na huwag tumigil kay dating House Speaker Martin Romualdez sa paghahangad nitong papanagutin ang mga sangkot sa Floodgate Scandal.
Sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, tagapagsalita ng PDP-LABAN, na may matibay na ebidensiyang nagpapahiwatig na may isang ‘APEX PREDATOR’ na siyang lumalangoy sa ibabaw ng lahat ng malalaking isda.
Ani Topacio, mariing ipinahiwatig ito ni Romualdez nang sabihin niyang “I will not go down alone.”
Pinagtitibay din umano ito ng mga pahayag ni dating Kinatawan Zaldy Co at lalo pang sinusuportahan ng mga sinumpaang salaysay ng 18 Marines, na ipinahiwatig mismo ng Ombudsman na kapani-paniwala.
Ayon kay Topacio, ang pagpataw ng piling katarungan ay kawalan din ng katarungan.
“Ang piling pagtrato ay kawalang-katarungan sa pinakamataas na antas,” aniya, kasabay ng pagkuwestiyon kung bakit ang mga miyembro ng Kamara na kapareho ng kalagayan ng dating Speaker ay kinasuhan lamang ng mas magagaan, kung saan ang piyansa ay isang karapatan, samantalang ang iba, gaya nina Sen. Dante Marcoleta at dating Kalihim Mike Defensor, ay kinasuhan ng plunder, kung saan ang pagbibigay ng piyansa ay nakasalalay sa pagpapasya ng hukuman.”
“Dapat niyang gampanan ang kanyang mga tungkuling Konstitusyonal nang walang kinikilingan at may pantay na pagtrato. Iyan ang hamon ng panahon!,” mensahe pa ni Topacio sa Ombudsman. (JERRY S. TAN)