Advertisers

Advertisers

Senado, Impeachment court ‘di dapat manghimasok sa pagnanais nina Marcoleta at Estrada na makilahok sa impeachment trial

0 5

Advertisers

INIHAYAG ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson na hindi dapat manghimasok ang Senado at ang Impeachment Court sa pagsisikap nina Senators Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada na makilahok sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Lacson, maaaring magmukhang nagbibigay ng undue pressure sa Sandiganbayan ang Senado o Impeachment Court kung sila mismo ang kikilos para payagang makadalo sa paglilitis ang dalawang senador na kapwa nahaharap sa mga kasong plunder.

Sinabi niyang dapat sa mga abogado nina Marcoleta at Estrada manggaling ang anumang kahilingan para sa kanilang pagdalo o paglahok sa impeachment trial.



Sumulat si Marcoleta kay Senate President Sherwin Gatchalian at Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero upang igiit ang kaniyang karapatang bumoto bilang senator-judge kahit nakadetine dahil sa kasong plunder.

Ibinasura naman ng Sandiganbayan noong Hulyo ang kahilingan ni Estrada na dumalo sa impeachment trial.



Nauna pa rito, sinabi na ni Senate President Sherwin Gatchalian na nasa Sandiganbayan na ang desisyon kung papayagan man ang dalawang kapwa senador sa makadalo sa trial.

Kasunod nito, inaasahan naman umano ni Lacson na makatutulong nang malaki sa Impeachment Court ang mga amici curiae o “friends of the court” na inimbitahang magbigay ng opinyon sa voting threshold para sa conviction sa impeachment trial.



Ayon kay Lacson, mahalagang mapakinggan ang mga retiradong mahistrado dahil walang sinuman ang may monopoly ng kaalaman sa usapin ng threshold.

Matapos ang pagdinig sa mga amici curiae, inaasahang boboto ang mga senator-judge sa motion for reconsideration ni Senator-Judge Erwin Tulfo laban sa naunang ruling na nagtakda ng 16 na boto, o two-thirds of all members, bilang voting threshold para sa conviction.

Sinabi ni Lacson na bago lamang ang sitwasyong may mga senator-judge na nasa ibang bansa, nagtatago, nakadetine o nasuspinde.

Ipinunto rin niya ang posibleng problema kung siyam na senator-judge ang mawalan ng kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin at hindi na maabot ang 16 na boto para sa conviction.