Advertisers

Advertisers

P8 MILYON GASTOS SA 90-ARAW BIYAHE NI VP SARA SISILIPIN!

0 4

Advertisers

NAKATAKDANG silipin ng House prosecution ang 91 araw na non-official foreign travel ni Vice President Sara Z. Duterte sa nakalipas na dalawang taon matapos tukuyin ng unang eksperto ng prosekusyon na maaaring may kaugnayan sa pagsusuri ng yaman ng isang opisyal ng gobyerno ang mga naturang gastusin.

“Kaya binabanggit na po natin ngayong araw na ito, on the table na po na silipin at makita yung mga foreign travels na non-official,” pahayag ni Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon sa isang ambush interview sa Senado.

Ayon kay Ridon, napunta sa puntong ito ang prosekusyon matapos talakayin ni retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang ang mga legal na pamantayan na maaaring gamitin sa pagsusuri ng ‘di-maipaliwanag na yaman.

“May 91 days ang ating Pangalawang Pangulo na nasa labas ng bansa sa nakalipas na dalawang taon. Sa tingin ko, nasa 19 na foreign trips ito na non-official ang karakter,” diin ni Ridon, isa sa mga House prosecutor.

Sinusuri ng prosekusyon kung maipapaliwanag at maitutugma ang gastos sa mga biyahe sa lehitimong kita at idineklarang ari-arian ni Duterte. Hindi umano sapat na batayan ang dami lamang ng kanyang pagbiyahe para patunayang may unexplained wealth.

“Kailangan po itong pagbanggain doon sa lehitimong kita ng ating Pangalawang Pangulo. Mga magkano po iyon? Mga P4.2 milyon,” paliwanag ni Ridon.

Kailangan ding ihambing ang naturang mga gastusin sa idineklarang net worth ni Duterte sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ayon kay Ridon, dati nang tinatayang nasa P5 milyon hanggang P8 milyon ang maaaring nagastos sa mga biyahe, bagama’t kailangan pa ring mapatunayan ng prosekusyon ang aktuwal na halaga at kung paano ito binayaran.

Ipinaliwanag din niya na hindi maaaring ituring na lahat ng net worth ni Duterte ay cash na maaaring gastusin, dahil malaking bahagi nito ay binubuo ng mga ari-arian.

“Yung sahod ng Pangalawang Pangulo, nasa P4.2 milyon kada taon. At yung net worth niya, hindi naman lahat cash iyon. Karamihan doon ay hard assets,” ani Ridon.

Susuriin ngayon ng prosecution team ang mga travel records at kaukulang dokumentong pinansyal upang matukoy kung maaaring isama ang mga foreign trip sa kasong may kaugnayan sa Article II—unexplained wealth.