Advertisers
INILABAS ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Martes, Setyembre 15 ang mga bagong mugshot ni dating House Speaker at kasalukuyang Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.
Isinagawa ang pagkuha ng larawan matapos siyang ilipat sa New Quezon City Jail sa Payatas noong Lunes ng gabi, Setyembre 14, kasunod ng direktiba mula sa Sandiganbayan Third Division.
Sinabi ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jayrex Bustinera, kasalukuyang nananatili si Romualdez sa infirmary ward ng pasilidad kasama ang tatlong iba pang persons deprived of liberty (PDLs).
Ang naging desisyon sa kaniyang selda ay batay sa pagsusuri ng kaniyang personal na doktor at ng mga independent doctor mula sa Philippine General Hospital (PGH).
Ayon sa tagapagsalita ng BJMP, hindi na kailangang manatili si Romualdez sa ospital dahil kaya nang ibigay ng BJMP ang mga kinakailangang medikal na atensyon habang siya ay nakadetine.
Idinagdag naman ni DILG Secretary Jonvic Remulla na walang aircon ang selda ng dating Speaker at gumagamit ito ng pampublikong banyo kasama ng ibang bilanggo.
Nakatakdang harapin ni Romualdez ang kaniyang arraignment at pre-trial proceedings sa Sandiganbayan ngayong Miyerkules, Setyembre 16.
Nahaharap ang mambabatas sa kasong plunder sa anti-graft court dahil sa umano’y kickbacks na umaabot sa mahigit P7 bilyon mula sa iba’t ibang proyekto ng gobyerno.