Advertisers
IBINASURA ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 ang mosyon ni Vice President Sara Duterte na mag-inhibit o kusang umatras sa kanyang ‘grave threats’ cases si Presiding Judge Maria Angelica De Ramos.
Sa order na may petsang Setyembre 14, sinabi ng korte na walang sapat na batayan upang kuwestiyunin ang pagiging patas ng hukom at walang malinaw at kapani-paniwalang ebidensya ng aktuwal na bias o prejudgement.
Inihain ni Duterte ang ‘motion for inhibition’ noong Setyembre 10, iginiit niyang tila tinulungan ng korte ang prosekusyon nang atasan itong magsumite ng digital evidence na hindi kasama sa unang isinumite nito.
Ikinatwiran din ng kampo ng Bise Presidente na dapat umatras ang hukom dahil siya at ang kanyang anak ay itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na inilarawan ng depensa bilang ‘political opponent’ ni Duterte.
Tinanggihan ng korte ang mga argumento at sinabing ang judicial appointment ay hindi nangangahulugang political representative ng appointing authority ang isang hukom.
Sinabi ng abogado ni Duterte na si Atty. Paul Lawrence Lim na gagamitin ng Bise Presidente ang lahat ng available legal remedies kasunod ng desisyon.
Inatasan din ng korte ang magkabilang panig na mahigpit na sundin ang sub judice rule at iwasang talakayin sa publiko ang merito ng kaso.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng ‘grave threats’ kaugnay ng kanyang mga pahayag sa isang online press conference noong 2024 tungkol kina Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at noo’y House Speaker Martin Romualdez.
Naglabas ang QC RTC Branch 98 ng warrant of arrest laban kay Duterte noong Setyembre 4 matapos makakita ng probable cause upang litisin siya sa tatlong kaso. Nagpiyansa siya kinabukasan sa halagang P120,000 bawat bilang.