Advertisers
NASAWI ang isang hukom ng Regional Trial Court (RTC) Branch 2 nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Tumaga-Putik Road, Barangay Tumaga, Zamboanga City, 5:25 ng umaga ng Huwebes, Nobyembre 12, 2026.
Kinilala ang biktima na si Judge Joseph Wee-Sit, nakatalaga sa Isabela City, Basilan. Minamaneho niya ang kaniyang SUV patungo sa pantalan ng Zamboanga City upang sumakay ng ferry papuntang Basilan nang pagbabarilin ng riding in tandem.
Sa ulat, limang tama ng bala ang tinamo ng judge. Agad siyang isinugod sa ospital ng mga emergency responder nguni’t idineklarang patay 6:30 ng umaga habang ginagamot.
Ayon sa Zamboanga City Police Office (ZCPO), rumesponde ang mga pulis mula sa Zamboanga City Police Station 7 matapos makatanggap ng ulat mula sa isang residente tungkol sa insidente.
Bilang tugon, bumuo ang Police Regional Office 9 (PRO-9) at ZCPO ng Special Investigation Task Group (SITG) upang pangunahan ang imbestigasyon at matukoy ang mga salarin. Pinalakas narin ang manhunt at pursuit operations laban sa mga salarin.
Hinihikayat ng pulisya ang sinumang nakasaksi o may impormasyong makatutulong sa imbestigasyon na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Samantala, mariing kinondena ng Korte Suprema ang pagpaslang kay Judge Wee-Sit at nagpaabot ng pakikiramay sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at kasamahan.
Inatasan ni Chief Justice Rodil Zalameda ang Office of the Court Administrator na makipagtulungan sa pamilya ng hukom para maimbestigahan ang pangyayari at matukoy ang nasa likod nito.
Ayon sa SC, tutulungan ang pamilya ni Wee-Sit at na-kikipag-ugnayan na ang Office of the Judiciary Marshals sa mga awtoridad.
Nagtapos ng abogasya si Wee Sit sa Western Min-danao State University. Naging piskal at public attorney siya bago naging judge noong Setyembre ng nakaraang taon.
Wala nang ibang detal-yeng ibinigay ang SC para narin hindi maapektuhan ang isinasagawang imbestigasyon.
Binigyang-diin naman ng Kataas-taasang Hukuman na walang hukom ang dapat ma-ngamba para sa kaniyang buhay dahil lamang sa pagtupad sa tungkulin. Ang pag-atake anila sa mga hukom ay hindi lamang banta sa kanilang kaligtasan kundi maging sa kakayahan ng hudikatura na maghatid ng patas na hustisya.
(Jocelyn Domenden)