Advertisers

Advertisers

BAHAY, PAARALAN, KINABUKASAN – ISKO ISTAYL!

0 6

Advertisers

Hindi lamang basta pagtatayo ng mga gusali ang usapin ng pabahay.

Para kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, ang tunay na hamon ay kung paano bibigyan ng sariling tahanan, dignidad at seguridad ang mga pamilyang matagal nang nakikipagsapalaran sa masisikip at hindi tiyak na tirahan.

Kaya naman kapansin-pansin ang bagong hakbang ng pamahalaang lungsod ng Maynila kasama ang Land Bank of the Philippines.

Noong Setyembre 16, nilagdaan nina Yorme Isko at LandBank Vice President at Chief Trust Officer Atty. Mario Sabino Jr. ang kasunduan para mapalago ang humigit-kumulang P50 milyon na available funds mula sa Manila Urban Settlements Office (MUSO) Housing Trust Fund.

Ang pondong ito ay hindi lamang basta perang nakatabi.

Mula ito sa mandatory monthly contributions ng mga benepisyaryo ng mga in-city vertical housing projects ng lungsod.

Ibig sabihin, ang perang ibinabalik sa sistema ay galing mismo sa mga benepisyaryo—at ngayon ay pinapalago upang magkaroon ng mas matatag at tuloy-tuloy na pondo para sa mga susunod pang proyekto sa pabahay.

Ito ang punto ni Yorme Isko:

“Ito very unique kasi hindi siya tax money. This is the money entrusted by the beneficiary to the City.”

At dito makikita ang mas malaking larawan.

Ang pabahay ay hindi lamang isang proyekto na itinatayo at pagkatapos ay tapos na. Dapat itong magkaroon ng patuloy na pondo upang makapagtayo pa ng maraming tahanan para sa mga pamilyang nangangarap magkaroon ng sariling bahay sa loob mismo ng Maynila.

MULA BASECO HANGGANG TONDOMINIUM

Hindi na bago sa administrasyon ni Yorme Isko ang ganitong direksiyon.

Bago pa man ang bagong kasunduan sa LandBank, mayroon nang mga housing program na naging bahagi ng kanyang in-city housing agenda.

Nariyan ang Baseco Community, na naging isa sa mga lugar na tinutukan para sa kapakanan at pabahay ng mga maralitang Manilenyo.

Nariyan din ang San Lazaro Residences, Pedro Gil Residences at San Sebastian Residences—mga proyektong bahagi ng hangaring mailipat ang mga pamilyang nangangailangan sa mas maayos at mas ligtas na tirahan nang hindi kinakailangang ilayo sila sa kanilang komunidad at kabuhayan.

At siyempre, hindi maaaring mawala sa usapan ang Binondominium, na naging simbolo ng in-city vertical housing sa isa sa pinakamasisikip at pinakamatandang bahagi ng Maynila.

Kasunod nito ang Tondominium 1 at Tondominium 2, na kapwa naglalayong magbigay ng mas maayos na tirahan sa mga pamilyang Tondo ang tahanan.

Ang konsepto ay malinaw: vertical housing sa halip na kalat-kalat at mapanganib na informal settlements.

At ngayon, sa pakikipagtulungan sa LandBank, nais pang gawing mas sustainable ang pondong gagamitin para sa housing program.

HINDI LANG BAHAY, EDUKASYON DIN

Pero kung pabahay ang isang bahagi ng kuwento, hindi rin dapat kalimutan ang isa pang mahalagang haligi—edukasyon.

Sa pananaw ng isang lungsod na gustong magkaroon ng mas magandang kinabukasan ang mga anak ng mahihirap na pamilya, hindi sapat na may bahay ang isang bata kung wala naman siyang maayos na paaralan na papasukan.

Kaya kabilang din sa mga proyektong binigyang-pansin ang mga paaralan tulad ng Manila Science High School, gayundin ang Albert Elementary School, Magsaysay Elementary School at Almario Elementary School.

Ang pagpapagawa, pagpapahusay at pagpapaunlad ng mga pasilidad pang-edukasyon ay isang pamumuhunan hindi lamang sa mga gusali kundi sa kinabukasan ng mga batang Manilenyo.

Dahil ano ang silbi ng pagkakaroon ng disenteng tahanan kung hindi naman mabibigyan ng disenteng pagkakataon ang mga anak na makapag-aral?

BAHAY + PAARALAN = KINABUKASAN

Sa madaling salita, ang direksiyong makikita sa mga programang ito ay hindi lamang tungkol sa “bahay ngayon.”

Ito ay tungkol sa pagbuo ng isang sistema kung saan ang pamilya ay may tirahan, ang mga anak ay may paaralan, at ang lungsod ay may kakayahang magpatuloy sa mga programang ito.

Kaya mahalaga ang bagong kasunduan sa LandBank.

Kung mapalago ang pondo at mapanatili ang maayos na paggamit nito, maaari itong maging bahagi ng mas pangmatagalang mekanismo para sa housing program ng Maynila.

Sabi nga ni Yorme Isko:

“This is the start of a long journey of the in-city vertical housing.”

At ang pangarap niya ay malinaw—dumating ang panahon na “mauubos at mauubos ang squatter sa Maynila” at mabibigyan din ng pagkakataon ang mga nangungupahan na magkaroon ng sarili nilang bahay.

Hindi ito simpleng pangarap.

Ito ay isang hamon kung paano gagawing tuloy-tuloy, sustenable at mas malawak ang programa.

Dahil sa isang lungsod na milyon-milyon ang tao at limitado ang lupa, hindi madaling solusyon ang pabahay.

Pero kung may malinaw na direksiyon—bahay, paaralan at pangmatagalang pondo—mas nagiging posible ang isang Maynila kung saan ang mahihirap ay hindi lamang basta binibigyan ng tirahan, kundi binibigyan ng pagkakataong magkaroon ng mas maayos na buhay.

Bahay para sa pamilya.

Paaralan para sa mga anak.

At kinabukasang mas may dignidad para sa bawat Manilenyo.

‘Yan ang tunay na sukatan ng isang programang hindi lamang itinayo para makita ngayon, kundi para pakinabangan pa ng mga susunod na henerasyon.

Para kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, ang tunay na hamon ay kung paano bibigyan ng sariling tahanan, dignidad at seguridad ang mga pamilyang matagal nang nakikipagsapalaran sa masisikip at hindi tiyak na tirahan.

Kaya naman kapansin-pansin ang bagong hakbang ng pamahalaang lungsod ng Maynila kasama ang Land Bank of the Philippines: BAHAY, PAARALAN, KINABUKASAN – ISKO STAYL!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.