Advertisers

Advertisers

SUBIC PORT, NILILINIS! MGA OPISYAL, SINIBAK!

0 3

Advertisers

Iniutos ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang malawakang paglilinis at reorganisasyon sa Port of Subic, kabilang ang pagpapalit sa mga pangunahing opisyal, paghihigpit sa accreditation at pagpapatupad ng lingguhang direktang pangangasiwa ng matataas na opisyal ng ahensya.

Layunin ng hakbang na palakasin ang disiplina, pananagutan at integridad sa hanay ng mga tauhan ng Aduana, kasabay ng pinaigting na kampanya laban sa mga paglabag sa batas at mga iregularidad sa operasyon ng pantalan.

“Wala nang panahon para sa mga dahilan at wala nang puwang para sa mga hindi sumusunod sa batas,” mariing pahayag ni Nepomuceno.



Ayon sa Customs chief, iniutos niya ang full-scale cleansing sa Port of Subic upang matiyak na ang BOC ay magiging disiplinado, may pananagutan at karapat-dapat sa tiwala ng sambayanang Pilipino.

“Kung kinakailangan ang pagpapalit ng tao, gagawin natin. Kung kinakailangan ang pagsasampa ng kaso, gagawin natin. Kung kinakailangan ang agarang aksyon laban sa mga lumalabag, gagawin natin,” dagdag niya.



Sa ilalim ng reorganisasyon, maglalabas ang BOC ng Customs Personnel Order para sa pagsasagawa ng reshuffling sa mga tauhan ng Enforcement and Security Service (ESS) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Port of Subic.

Kabilang sa mga papalitan ang mga hepe ng CIIS, ESS at Assessment and Classification Division Unit (ACDU), gayundin ang Deputy Collector for Operations.



Ayon sa BOC, layunin ng pagpapalit ng mga opisyal na palakasin ang command responsibility at tiyaking mananagot ang mga pinagkatiwalaang mangasiwa sa operasyon ng pantalan.

Hihigpitan din ang accreditation ng lahat ng condemnator na nagsasagawa ng mga aktibidad sa Port of Subic.

Isasailalim sa masusing pagsusuri ang kanilang mga dokumento at pagsunod sa umiiral na mga regulasyon upang matiyak na tanging mga kuwalipikado at lehitimong entidad lamang ang papayagang lumahok sa condemnation at disposal activities.

Bukod dito, ipatutupad ang lingguhang salit-salitang pangangasiwa ng Deputy Commissioner for the Enforcement Group, Deputy Commissioner for the Intelligence Group at mismo ni Nepomuceno.

Sa pamamagitan nito, inaasahang mas mabilis na matutugunan ang mga problema, masisiguro ang pagpapatupad ng mga direktiba at mapananatili ang pananagutan sa bawat antas ng operasyon.

“Simple lang ang gusto natin at ’yun ay ang maibalik at mapagtibay ang tiwala ng bawat Pilipino sa Bureau of Customs. Hindi tayo naglilinis para lang magpalit ng tao. Ginagawa natin ito para masigurong maayos ang sistema, napoprotektahan ang pondo ng bayan, at napagsisilbihan nang tama ang taumbayan,” diin ni Nepomuceno.(BP)