Advertisers
INAASAHANG haharap sa Senate impeachment court si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte ngayong araw ng Martes at Miyerkules (Setyembre 29 at 30) bilang testigo sa impeachment trial ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate President Francis Escudero, presiding officer ng impeachment court, pinagbigyan niya ang kahilingan ni Mayor Duterte na maka-pagbigay ng testimonya sa naturang mga petsa.
Sa liham na isinumite sa korte, hiniling ni Baste Duterte ang sapat na oras upang tipunin, ayusin, patotohanan, at i-reproduce ang mga subpoenaed documents sa kanya bago siya humarap sa paglilitis.
Nakatuon ang kanyang testimonya sa Article II ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa mga alegasyon ng unexplained wealth, hindi ganap na pagdedeklara ng mga ari-arian, at kabiguang i-divest ang mga interes sa negosyo habang nanunungkulan bilang bise presidente.
Nauna nang ibinunyag ng isang testigo na ang Davao City ay nagkaloob ng P34.2 milyong halaga ng mga kontrata sa GenCorp Industries Inc. Naging sentro ng pagdinig ang kumpanya matapos ideklara ni VP Duterte sa kanyang 2024 at 2025 SALN na isa siyang stockholder nito, kahit nagsimula na siyang manungkulan bilang bise presidente noong 2022.
Gayunman, sinabi ng isang opisyal ng Securities and Exchange Commission (SEC) na hindi nakalista si VP Duterte bilang incorporator, direktor, o stockholder ng GenCorp Industries Inc. batay sa mga corporate records na isinumite ng kumpanya sa ahensya.
Samantala, sinabi ni Mayor Baste Duterte na wala siyang kaalaman sa umano’y pagka-kasangkot ng kanyang kapatid sa kumpanya, at iginiit na hindi rin lumilitaw ang pangalan nito sa mga opisyal na dokumento ng GenCorp. (Mylene Alfonso)