Advertisers
PINAPABILIS ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagproseso ng 2024 Performance-Based Bonus (PBB) para sa mga guro at kawani ng edukasyon, habang binabawasan din ang kanilang mga gawaing administratibo.
Sa pagdalo sa pagdiriwang ng 2026 National Teachers’ Day sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City nitong Lunes, sinabi ni Pangulong Marcos na inatasan niya ang mga kinauukulang ahensya na tiyaking magiging maayos at mabilis ang pagproseso ng 2024 PBB.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang mga hakbang upang bigyan ang mga guro ng mas maraming oras na magtuon sa pagtuturo sa pamamagitan ng pagpapagaan sa mga gawaing papel, pagpapalakas sa hanay ng mga non-teaching personnel, at pagbabawas sa bilang ng mga classroom observation.
Binawasan ang mga classroom observation mula sa apat kada taong panuruan patungo sa isa na lamang para sa School Year 2025-2026, at itinakda ang dalawang obserbasyon para sa mga susunod na taong panuruan.
Pinapabuti rin ng Pangulo ang mga benepisyo at insentibo para sa mga guro, kabilang ang teaching at medical allowance, pati na ang World Teachers’ Day Incentive Benefit.
Sinabi ni Pangulong Marcos na patuloy na pagbubutihin ng administrasyon ang suporta, mga benepisyo, at mga oportunidad sa karera para sa mga guro. (Vanz Fernandez)