Advertisers

Advertisers

Rep. Javi Benitez pinangunahan ang pagdaraos ng LegisHear sa Victorias City

0 31

Advertisers

NANGUNA si Assistant Majority Leader at Negros Occidental Third District Congressman Javier Miguel “Javi” L. Benitez sa pagdaraos ng LegisHear sa Victorias City nitong Oktubre 2 at 3 kung saan nagtipon ang pinakamalaking delegasyon ng mga mambabatas.

Mismong si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang nanguna sa delegasyon kung saan bumalik siya sa Negros Occidental sa unang pagkakataon matapos ang 47 taon.

Kasama ni Dy sina Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez, Deputy Speakers Albee Benitez, Maria Rachel J. Arenas, at Chedeng Alvarez, gayundin ang iba pang miyembro ng Kamara pati na si National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag.



Kaugnay nito iprinisenta ni Benitez ang House Bill No. 9088, o ang TUBO Act, na kanyang iniakda, sa harap ng 5,000 residente mula sa limang lokal na pamahalaan sa Third District na dumalo sa Town Hall Meeting sa Victorias City Coliseum noong Oktubre 2.

Sa ilalim ng panukala, itataas ang taunang sugar industry funding mula sa kasalukuyang P2 billion at gagawing P5 billion, magpatupad ng 18-buwang moratorium sa commercial sugar importation at ibaba ang minimum na sukat ng block farm mula 30 ektarya sa 10 ektarya, upang mabuksan ang programa para sa mga maliliit na magsasaka.



Nabatid na ang House Bill No. 10678, na iniakda rin ni Benitez, ay iniharap ni Atty. Rene A. Delorino, Director II ng House Committee on Ways and Means. Itataas nito ang income tax exemption ceiling mula P250,000 hanggang P350,000 kada taon simula 2027.

Inilahad ng mga residente sa mga miyembro ng Kamara ang kanilang mga pangamba tungkol sa asukal, trabaho, kalusugan, at edukasyon.



May kabuuang 22 ahensya ng pamahalaan ang naghatid ng frontline services sa Victorias City National High School sa loob ng dalawang araw, na bukas sa publiko mula hapon ng Oktubre 2 hanggang Oktubre 3. Kabilang dito ang mga serbisyong pangkalusugan, civil registry at identification, social protection, agrikultura, edukasyon, at licensing.

Ang LegisHear ay isang nationwide legislative consultation at oversight initiative ng House of Representatives sa ilalim ni Dy.

Ang LegisHear sa Victorias City ang ikalimang bahagi ng nationwide initiative, kasunod ng mga isinagawa sa Echague, Isabela; Butuan City; Dumaguete City; at Koronadal City, South Cotabato.