Advertisers

Advertisers

Maynila ngayon: ‘Di lang kabisera ng Pinas, kabisera rin ng pagbabago

0 33

Advertisers

Hindi lang sentro ng kasaysayan, politika at negosyo ang Maynila.

Ngayon, malinaw na rin sa numero: trilyon-peso economy na ang kabisera ng bansa.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo sa P1.06 trilyon ang Gross Domestic Product (GDP) ng Maynila noong 2025—patunay na nananatiling isa sa pinakamalalakas na makina ng ekonomiya sa buong bansa.



Pangatlo ang Maynila sa lahat ng lungsod sa Pilipinas, kasunod ng Quezon City at Makati. At hindi maliit na bahagi ang ambag nito sa buong National Capital Region.

Humigit-kumulang 14.6 porsiyento ng ekonomiya ng NCR ay nagmumula sa Maynila.



Ibig sabihin, kapag umandar ang Maynila, ramdam ito sa buong Metro Manila.

Mas kapansin-pansin pa ang istruktura ng ekonomiya ng lungsod.



Umaabot sa 77.4 porsiyento ng GDP ng Maynila ang nagmumula sa services sector, habang 22.6 porsiyento naman ang industriya.

Nangunguna sa mga pangunahing industriya ang wholesale at retail trade, manufacturing, at public administration and defense.

Pero hindi lang laki ng ekonomiya ang dapat pagtuunan ng pansin. Mas mahalaga kung saan nanggagaling ang paglago at saan ito napupunta.

Noong 2025, nanguna sa paglago ang transportation and storage na may 10 porsiyentong growth, sinundan ng human health and social work activities na 9.4 porsiyento, at education na 6.4 porsiyento.

Dito makikita ang malaking koneksyon sa tinatawag na Minimum Basic Needs platform ng administrasyon ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso.

Kalusugan. Edukasyon. Trabaho. Pabahay.

Hindi lamang mga salitang pangkampanya ang mga ito kung makikita sa aktuwal na galaw ng ekonomiya.

Maynila mismo ang nagbibigay ng ebidensya.

MAYNILA SA WORLD STAGE

At parang hindi pa sapat ang P1.06-trilyong ekonomiya.

May isa pang magandang balita.

Silver awardee ang Maynila sa Seoul Smart City Prize 2026 sa Tech-Innova City category.

At ang dahilan?

Hindi dahil sa magagandang gusali lamang. Hindi dahil sa dami ng billboard o bagong imprastraktura.

Kundi dahil sa teknolohiya na ginagamit para protektahan ang mga tao.

Sa pamamagitan ng Manila Innovation Integrated GIS and Data Hub, ginagamit ng lungsod ang geographic information systems, digital mapping, spatial analysis at real-time data monitoring para sa disaster risk reduction, public safety, flood monitoring, fire response at iba pang emergency situations.

Sa madaling salita, high-tech na ang paraan ng Maynila sa pagharap sa problema ng isang lumang lungsod.

At hindi biro ang kompetisyon.

Nangunguna bilang Gold awardee ang Madrid, Spain, habang kapantay ng Maynila bilang Silver awardee ang Buenos Aires, Argentina.

Ang Maynila ang nag-iisang Philippine awardee sa naturang pagkilala.

Kaya dapat lang kilalanin ang mga taong nasa likod nito.

Pinamumunuan ni Ramon Jefferson P. Verano ang GIS at data hub, katuwang ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department sa ilalim ni Director Arnel Eustacio M. Angeles.

Sila ang mga taong hindi madalas nakikita sa harap ng kamera pero mahalaga sa likod ng sistema.

MULA NUMERO HANGGANG TEKNOLOHIYA

Ito ang mas magandang kuwento tungkol sa Maynila.

Hindi lamang P1.06 trilyon ang pinag-uusapan. Hindi lamang Silver award.

Ang pinag-uusapan ay isang lungsod na sinusubukang pagsabayin ang economic growth at modern governance.

Dahil ano ang silbi ng malaking ekonomiya kung hindi nararamdaman ng ordinaryong Manileño?

Ano ang silbi ng teknolohiya kung hindi nito napoprotektahan ang buhay at kabuhayan ng tao?

Dito dapat masukat ang tunay na tagumpay ng isang lungsod.

Hindi sa dami ng proyekto.

Hindi sa kapal ng tarpaulin.

Hindi sa ingay ng publicity.

Kundi sa resulta.

Kung may lumalaking ekonomiya, mas maraming oportunidad.

Kung umuunlad ang healthcare at education, mas maraming serbisyong nakararating sa tao.

Kung ginagamit ang teknolohiya para sa disaster response, mas maraming buhay ang maaaring mailigtas.

At kung ang mga ito ay sabay-sabay na gumagalaw, doon natin masasabi na ang Maynila ay hindi lamang muling bumabangon.

Umuusad ito.

Sa isang banda, trilyon-peso economy.

Sa kabilang banda, kinikilala sa international smart city community.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.