Advertisers

Advertisers

Pagbusisi sa pera mula China para sa kompanya ng asawa ni VP Sara lumalalim

0 20

Advertisers

LUMALALIM ang pagsusuri ng National Security Council (NSC) sa iniulat na pagpasok ng pondong mula China sa isang kumpanyang nauugnay sa asawa ni Vice President Sara Duterte na si Manases “Mans” Carpio, matapos lumitaw sa impeachment trial na may kaugnayan sa state-owned enterprise system ng China ang ilan sa mga kumpanyang nagpadala ng pera.

Sinabi ni National Security Adviser Eduardo Oban Jr. na makikipag-ugnayan ang NSC sa intelligence, investigative at iba pang ahensya ng pamahalaan upang suriin ang mga impormasyong iniharap sa impeachment court at matukoy kung may implikasyon sa pambansang seguridad ang mga naturang transaksyon.

Lumutang ang isyu matapos tumestigo si Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Ronel Buenaventura na nakatanggap ang Cale88 Foods Corp., kung saan naging incorporator, director at shareholder si Carpio, ng kabuuang P319.33 milyon na inward remittances mula mainland China at Hong Kong.



Sa naturang halaga, P315.94 milyon ang nagmula sa mainland China habang P3.39 milyon naman ang mula Hong Kong. Iniulat ang mga transaksyon sa AMLC bilang covered at suspicious transactions dahil walang natukoy na kaukulang legal o trade obligation, malinaw na layunin, o makatwirang business justification para sa mga padala.

Sa pagdinig, iniugnay naman ni Senator-Judge Risa Hontiveros ang China National Township Enterprises at Beijing Zhenweifang Food Co. sa ilan sa mga kumpanyang sangkot sa remittances, batay sa research ng kanyang tanggapan na tumukoy sa kanilang mga koneksyon sa state-owned enterprise system ng China.



Ayon kay Hontiveros, dating nasa ilalim ng China’s Ministry of Agriculture ang China National Township Enterprises bago ito naging state-owned agricultural enterprise na nasa ilalim ng State-owned Assets Supervision and Administration Commission ng State Council ng China.

Samantala, tinukoy naman ang Beijing Zhenweifang Food Co. bilang konektado sa Xinjiang Fruit Industry Group, na ayon sa corporate information na iniharap sa Senado ay may ugnayan din sa state-owned enterprise system ng China at may institutional Communist Party organization sa loob ng corporate structure nito.



Gayunman, nilinaw ni Buenaventura na walang ipinakitang rekord sa impeachment court na mismong gobyerno ng China ang nagpadala ng P319.33 milyon sa Cale88, matapos itong tanungin ng depensa.

Wala rin umanong rekord ang AMLC na nagpapakitang magkano sa mga transaksyon ng Cale88 ang aktuwal na nagbigay ng personal na pakinabang kina Duterte o Carpio.

Bahagi ang China-related remittances ng mas malawak na financial activity ng Cale88. Batay sa AMLC records, lumampas sa P1.2 bilyon ang covered at suspicious transactions na kinasangkutan ng kumpanya mula 2022 hanggang 2025.

Itinatag ang Cale88 noong 2021 na may paid-up capital na P125,000 lamang, ngunit nakapagtala ito ng malalaking financial movements na naging bahagi ng pagsusuri ng AMLC at ng impeachment court.

Patuloy namang kinukuwestiyon ng depensa ang interpretasyon sa AMLC data, habang itinanggi rin ng Chinese Embassy sa Maynila ang alegasyong nagpasok ang Beijing ng pondo para suportahan ang isang political faction sa Pilipinas.

Sa pagpasok ng NSC sa pagsusuri, lumilipat ang sentro ng usapin sa mas partikular na tanong kung sino ang mga dayuhang counterparties sa mga transaksyon, ano ang layunin ng mga pondong ipinadala, may lehitimong commercial purpose ba ang mga ito, at may mapatutunayang foreign-government o political influence batay sa dokumentaryong ebidensya.