Advertisers
Nakakalungkot ang nangyaring pagpaslang sa tatlong kabataan sa Barangay Batasan Hills, Quezon City kamakailan. Napatay ay isang 15-anyos, isang 18-anyos, at isang 19-anyos nang dahil lamang sa mababaw na dahilan. Subalit sa kabila ng pighati na nadama ng pamilya ng mga biktima, kahit papaano’y agad ding naiparamdam ang katarungan matapos agad na madakip ang suspek sa loob lamang ng isang oras bunga ng mabilis at maagap na pagresponde ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD).
Lumabas lamang ang magkakaibigan dakong 2:00 ng madaling araw para bumili ng pagkain. Ngunit ito pala ay mitsa na ng kanilang kamatayan nang dahil lamang sa isang sumita sa kanila na umano’y nakainom at armado ng baril.
Minabuti ng tatlong iwasan ang suspek pero sinundan sila at pinagbabaril – isa ang natamaan sa ulo, isa sa dibdib, at isa naman sa tagiliran na naging dahilan ng kanilang kamatayan.
Sa kabila ng nakalulungkot na pangyayari, kahit na papaano ay kilalanin pa rin natin ang mabilis na pagtugon ng Batasan Hills Police Station 6 sa pamumuno ni PLt. Col. Gemmer Tubiera at sa pangangasiwa ni QCPD Acting District Director PBrig. Gen. Christopher Olazo.
Bunga ng mabilis na pagresponde at direktiba ni NCRPO Chief, PBrig. Gen. Christopher N Abrahano – Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyonng Mabilis, Tapat at Nararamdaman, sa loob lamang ng 60 minuto matapos maganap ang krimen nitong Oktubre 12, agad naaresto ang suspek na si alyas “Vin,” na miyembro ng QC Task Force Disiplina.
At kinasuhan na rin ang suspek ng three counts murder, bukod pa sa paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at RA 11235 (Motorcycle Crime Prevention Act). Napag-alaman din ng QCPD na hindi lisensyado ang baril ng suspek na ginamit na pagpatay.
Dahil sa pangyayari, binuwag agad ni Mayor Joy Belmonte ang Task Force Disiplina. Nilinaw rin ng QC LGU na walang baril na iniisyu sa mga miyembro ng Task Force Disiplina.
Kasabay nito, higit pang pinaigting naman ng QCPD ang kampanya laban sa loose firearms sa buong lungsod sa pamamagitan ng Oplan Katok at Oplan Sita. Nanawagan din ang pamunuan ng pulisya sa mga mamamayan ng QC na maging katuwang sa pag-uulat ng mga ilegal na baril sa pamamagitan ng E911 o Helpline 122.
Siyempre, habang umuusad ang mga kaso laban sa suspek, umaasa naman ang pamilya ng mga biktima maging ng QCitizens na magiging mabilis at ganap na makamtan hustisya para sa mga biktima.
Nawa’y magsilbing babala ito sa lahat na walang sinuman ang nakatataas sa batas, at ang maagap na aksyon ng pulisya at pamahalaan ang siyang magtitiyak na makakamtan ng pamilya ng mga biktima ang ganap na katarungan.