Advertisers
Ni Mercy Lejarde
Sa presscon ng “I HEART PH,” ibinahagi ng multi-awarded host na si Valerie Tan ang kanyang pagkabilib sa wax figure ng aktres na si Anne Curtis.
Sa panayam, napag-usapan ang magagandang lugar at kakaibang karanasang tampok sa “I HEART PH,” na nag-aalok ng paglalakbay na puno ng kultura, aliwan, pagtuklas, at masasarap na pagkain.
Isa sa mga destinasyong tampok sa programa ang Hong Kong Palace Museum, na may mga modernong gallery at koleksiyon ng mga artifact, seramika, painting, at iba pang likhang-sining na nagpapakita ng kasaysayan at mga tradisyon ng China.
Sa Madame Tussauds Hong Kong naman, maaaring makita nang malapitan ang mga makatotohanang wax figure ng mga sikat na personalidad mula sa mundo ng pelikula, palakasan, musika, politika, at popular na kultura.
Kabilang sa mga Pinoy celebrities na may wax figure rito sina boxing champion Manny Pacquiao, Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, Miss Universe 2018 Catriona Gray, aktres at TV host Anne Curtis, at box-office star Kathryn Bernardo.
Sa panayam, tinanong si Valerie tungkol sa kanyang karanasan nang makita nang malapitan ang mga wax figure ng mga Pilipinong personalidad.
“I was so amazed kasi ang galing talaga ng pagkakagawa, it was so, so realistic. I was able to go up close, pati parang texture ng skin, hair, anything, parang I was starstruck kahit alam kong wax sila. And then, na-starstruck din ako sa ganda ng dyosa na si Anne Curtis.
“Nakakatuwa, alam n’yo ba na ang daming foreigners na nagpapa-picture din kina Catriona Gray at Anne Curtis, so parang nakaka-proud din kasi kilala nila ang mga Pinoy celebrities,” sey ni Valerie.
Samantala, produced ng TV 8 Media Production ang multi-awarded travel at lifestyle show na “I HEART PH,” na magbubukas na ng Season 11 sa October 25, Linggo, ganap na 11:30 ng umaga sa GTV.
***
Mga totoong kwentong puno ng sindak at kababalaghan ang isasabuhay nina Xyriel Manabat, Karina Bautista, Kaori Oinuma, at Elyson de Dios sa bagong iWant limited horror serye na “True Manila Encounters” na ipalalabas exclusively sa streaming platform simula Oktubre 29 (Huwebes).
Mula sa award-winning production company na CreaZion Studios, tampok sa bagong horror original ang mga nakasisindak na pagsasadula sa mga totoong engkwentro na nasaksihan sa Metro Manila. Mula sa ilang isinumiteng entry, dalawang kwento ng kababalaghan ang isasabuhay ng serye.
Isa sa kwentong maghahasik ng lagim ay ang “Undressed” episode na pagbibidahan nina Xyriel at Karina. Sa direksyon ni Rae Red, haharapin dito ni Pearl (Karina) ang isang mapanghimagsik na kaluluwang namamalagi sa isang bestida na galing sa ukayan, na siya namang pagmamay-ari ng kaopisinang si Mei-Mei (Xyriel). Sa tulong ng kanyang third eye, pipigilan ni Pearl ang walang habas na pananakot ng kaluluwa nito para sa kanilang katahimikan.
Susundan naman ito ng “Occupant” episode nina Kaori at Elyson, sa direksyon naman ni Dodo Dayao. Tampok dito ang nakababahalang presensyang pilit sisira sa long-distance relationship nina Ana (Kaori) at Jam (Elyson). Matapos ang iilang aparisyon na nakuhanan sa kanilang video call, tila masisiraan ng bait si Ana sa kanilang nasaksihan habang susubukan naman ni Jam na iligtas ang kanilang pag-iibigan mula sa misteryosong nilalang.
Humanda sa katatakutang hatid ng “True Manila Encounters,” na mapapanood ang “Undressed” episode sa Oktubre 29, at Nobyembre 5 naman para sa “Occupant” episode nito sa pamamagitan ng iWant subscription plan sa halagang P35 kada buwan sa Pilipinas, USD 12.99 kada buwan sa United States, at USD 4.99 sa iba pang bahagi ng mundo.