Advertisers
Ni Beth Gelena
Sinagot ni Marian Rivera nang diretsahan ang matagal nang usap-usapan tungkol sa umano’y pagkulong niya sa isang kapwa aktres sa loob ng comfort room dahil sa matinding selos.
Sa kanyang naging panayam sa programang Gandang Gabi Vice, nilinaw ng aktres na walang katotohanan ang nasabing chismis at naging eksaherado lamang ang mga kwentong kumalat sa publiko sa paglipas ng panahon.
Ibinunyag niya na matagal na silang maayos ng tinutukoy na aktres matapos itong pormal na humingi ng tawad sa kanya noong naging panauhin niya ito sa kanyang dating talk show.
Bukod sa kontrobersiyal na isyu ay masayang ibinahagi rin ng aktres ang mga detalye tungkol sa kanilang matatag na buhay may-asawa ni Dingdong Dantes.
Kabilang na ang dahilan kung bakit hindi sila nagkaroon ng prenuptial agreement.
l”Kung ang tanong mo ay nangyari ba talaga, hindi,” direktang pahayag ng aktres.
Ipinaliwanag niya na ang mga kwentong kumalat sa loob ng maraming taon ay hindi totoo at gawa-gawa lamang.
’Yung totoo niyan, maayos na kaming dalawa,” saad ng aktres. “Nag-sorry siya sa akin. So, from there, alam niya na may mga nangyari na hindi naman talagang nangyari. Para sa akin, hindi ko na kailangan i-explain sa social media.” Para kay Marian, ang pinakamahalaga ay ang kapayapaan sa pagitan nilang dalawa kaya minabuti niyang huwag nang palakihin pa ang isyu.
“Okay na ako doon. Ang mahalaga ‘pag nagkikita kami, okay na kami. At napatawad ko na siya,” pagtatapos niya tungkol sa kontrobersiya.
Binuksan din ni Marian ang ilang personal na detalye sa kanilang relasyon ni Dingdong.
Aniya, “May buwan na puro lambingan, may buwan na puro away, may buwan na walang pansinan,” kwento niya. Gayunpaman, masaya na sila ngayon sa kanilang mapayapang buhay pamilya.
“Sa tagal na naming nagsama alam na namin ‘yung ayaw at gusto namin na ginagawa ng isa’t isa.”
Ipinaliwanag din niya na sapat ang kanyang tiwala sa asawa kaya hindi na nila naisipang magkaroon ng prenuptial agreement.
“Kasi kung umpisa pa lang ipe-prenup ko na, doon pa lang parang sinasabi ko na sa asawa ko na wala akong tiwala. Malaki ang tiwala ko sa asawa ko, parang hindi ko kailangan mag-prenup,” ani Marian.