Advertisers
Nananawagan si Manila Mayor Isko Moreno sa mga senior citizens na hangga’t maari ay iwasang makipagsiksikan sa mga inaasahang dadagsa sa Manila North Cemetery (MNC) at Manila South Cemetery (MSC) at iliban na lamang ang pagdalaw sa kanilang mga mahal sa buhay.
Nanawagan din siya sa mga masasamang-loob na huwag nang tangkain pang makapambiktima sa mga nasabing sementeryo dahil hindi umano sila palalagpasin sa karampatang parusa.
Sa mga magulang, kung maari umano ay ‘wag nang magdala ng mga bata at kung magsasama ng mga bata ay tiyaking hindi ito mawawalay sa kanilang paningin.
Sa pangkalahatang publiko ay nanawagan naman si Moreno na iwasan ang pagsusuot ng mga mamahaling alahas, pagdadala ng mga alam naman nilang ipinagbabawal gaya ng mga armas, matatalas na bagay, baraha, alak, sound system at iba pa.
Bukod diyan ay umapela din si Moreno sa mga dadalaw sa nasabing mga sementeryo na itapon ang kanilang mga basura sa tamang sisidlan.
Kasabay ‘yan ng pahayag ng kahandaan ng pamahalaang-lokal ng Maynila sa pagdagsa ng milyong katao sa naturang mga himlayan ngayong Undas 2026.
Ang MNC ang pinakamalaking sementeryo sa buong bansa, samantalang ang MSC naman ay isa rin sa pinakalamaki sa bansa. Parehong milyon ang naitatalang bumibisita sa kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay sa naturang mga sementeryo taon-taon.
Nag-inspeksyon si Moreno sa mga nasabing sementeryo kasama sina MNC head Daniel ‘Dandan’ Tan at MSC chief John Mark Mendez, Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Arnel Angeles, City Electrician Randy Sadac at mga opisyal ng Manila Police District (MPD).
Handa din umano ang mga ospital sa lungsod, sa pangunguna ng Manila Health Department na pinamumunuan ni Dr. Grace Padilla, para sa anumang medical cases. (JERRY S. TAN)