‘Los Salvajes Bravos,’ ibubunyag ang masakit na kasaysayan ng mga Pilipino sa MMFF JesCom Films, target sundan ang tagumpay ng ‘GomBurZa’
Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
MULA sa tagumpay ng GomBurZa, isang masakit at matagal nang nakalimutang kabanata ng kasaysayan ng Pilipinas naman ang bubuhayin ng JesCom Films sa Los Salvajes Bravos, isa sa mga opisyal na kalahok sa ika-52 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Mahigit isang siglo matapos itanghal bilang mga “human exhibit” sa Spain, mapapanood sa big screen ang kuwento ng mga katutubong Pilipinong nagtungo sa Madrid noong 1887, dala ang pangarap na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.
Sa halip na dignidad at paggalang, diskriminasyon at pang-aalipusta ang kanilang sinapit nang itanghal sila bilang mga “primitibo” sa El Retiro Park, kasama ng mga hayop, halaman, at iba pang produktong mula sa Pilipinas.
Pinagbibidahan nina Romnick Sarmenta bilang Ismael Alzate, isang beteranong Igorot na namuno sa pangkat ng mga katutubo, at Ruru Madrid bilang Purganan, inilalarawan ng pelikula ang karanasan ng mga Pilipinong naging bahagi ng 1887 Philippine Exposition sa Spain.
Ang eksibisyong ito ay mariing kinondena ng pambansang bayaning si Dr. José Rizal dahil sa mapanghamak na pagtrato sa kanyang mga kababayan.
Sa direksiyon ni Paolo Dy, na nagdirehe rin ng award-winning film na Ignacio de Loyola, layunin ng Los Salvajes Bravos na hindi lamang sariwain ang nakaraan kundi hamunin ang mga manonood na pag-isipan ang kahulugan ng dignidad, pagkakapantay-pantay, at pagiging Pilipino.
Upang maging makatotohanan ang pagsasalaysay, kinunan ang malaking bahagi ng pelikula sa Spain, katuwang ang mga artistang Espanyol at Pilipino. Tiniis din ng cast ang lamig ng bansa habang suot ang tradisyonal na kasuotang Pilipino, na nagbigay sa kanila ng bahagyang pag-unawa sa pisikal na hirap na maaaring dinanas ng kanilang mga karakter.
Higit pa sa diskriminasyon, tampok din sa pelikula ang mga pangarap, sakripisyo, at katatagan ng mga Pilipinong handang magsakripisyo para sa pamilya—isang karanasang nananatiling buhay sa maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) hanggang ngayon.
“Ipinagmamalaki naming maihatid sa big screen ang kuwentong ito dahil mahalagang bahagi ito ng ating kasaysayan. Pero higit pa sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan, umaasa kaming mahihikayat nito ang mga Filipino ngayon na mag-isip-isip at suriin ang kanilang pagkatao at kung paano dapat tinatrato ang isa’t isa,” pahayag ng executive producer na si Fr. Emmanuel “Nono” Alfonso, SJ.
Para naman kay Dy, mahalagang maipakilala sa bagong henerasyon ang kuwentong ito dahil bahagi ito ng pagkatao at pambansang pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Kabilang din sa cast sina Andreas Muñoz, Michael De Mesa, Christian Vasquez, Jojit Lorenzo, Arnold Reyes, Elora Españo, Paolo O’Hara, Javier Godino, Aya Sarmiento, Miguel Vasquez, Michael Roy Jornales, JM Salvado, Roven Alejandro, Shagem Sumayag, at Aaron Kaiser Garcia.
Idinaos ang grand media conference ng pelikula noong Oktubre 29, isang araw bago ang ika-139 na anibersaryo ng pagtatapos ng Philippine Exposition sa Madrid, na ginanap mula Hunyo 30 hanggang Oktubre 30, 1887. Naging makabuluhan din ang okasyon dahil ipinagdiriwang tuwing Oktubre ang National Indigenous Peoples Month.
Sa Los Salvajes Bravos, muling bibigyang-boses ang mga katutubong Pilipinong ang karanasan ay bahagi ng kasaysayang hindi dapat kalimutan.
Kasunod ng tagumpay ng GomBurZa, umaasa ang JesCom Films na muling mapupukaw ng pelikula ang interes ng publiko sa mga kuwentong humubog sa kasaysayan at pagkakakilanlan ng bansa.
Mapapanood ang Los Salvajes Bravos sa mga sinehan sa buong bansa simula Disyembre 25, bilang bahagi ng ika-52 MMFF.