Advertisers

Advertisers

Ghost address: ‘Di mapatunayan idineklara sa SALN… TESTIGO NI VP SARA SABLAY SA SAMAL PROPERTY!

0 13

Advertisers

INAMIM ng isang testigo ng kampo ni Vice President Sara Z. Duterte nitong Martes na hindi siya nakatitiyak kung ang pinagtatalunang ari-arian sa Samal Island ay siya ring lupang nakadeklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise presidente, na nagbigay ng dagok sa pagtatangka ng depensa na pabulaanan ang alegasyon ng Kamara hinggil sa mga hindi idineklarang ari-arian.

Inamin ito ni Island Garden City of Samal Assessor, Engineer John Kenneth Enumerables, sa cross-examination ni private prosecutor Benjamin “Jay” Tolosa Jr., matapos itong usisain tungkol sa mga pagkakaiba sa lokasyon, taon ng pagkakabili at halaga ng naturang ari-arian.

“Pero hindi mo naman sinasabing ang parehong ari-arian na nakasaad sa TCT ang siya ring ari-ariang nakalista sa SALN, tama?,” tanong ni Tolosa.



“Hindi ako nakatitiyak, sir,” sagot ni Enumerables.

Ang naturang ari-arian, na saklaw ng Transfer Certificate of Title (TCT) No. 142-2019013134, ay nakarehistro sa pangalan ng asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio at opisyal na matatagpuan sa Barangay San Isidro, Kaputian, Island Garden City of Samal.



Subalit sa 2025 SALN ni Duterte, ang ari-ariang tinutukoy ng depensa ay nakalagay na matatagpuan sa Barangay Matanos, Kaputian.

Nauna nang kinuwestiyon ni Senate President at presiding officer Sen. Francis “Chiz” Escudero ang magkaibang lokasyon ng naturang mga ari-arian.



“Pero pagdating sa lokasyon, pareho po ba?,” tanong ni Escudero.

“Hindi po,” pag-amin ng testigo.

Ayon kay Enumerables, ang tanging naging batayan niya upang iugnay ang naturang ari-arian sa SALN ni Duterte ay ang magkaparehong assessed value na P346,960 at market value na P4,956,600 na nakasaad sa dalawang dokumento.

Nang tanungin ni Escudero kung mayroon pa siyang ibang batayan upang masabing iisang ari-arian lamang ang tinutukoy sa dalawang rekord, sinabi ng testigo na wala na siyang iba pang batayan.

“Wala po, Your Honor, kasi hindi po nakalagay ‘yung title number at saka ‘yung ARP (Assessment of Real Property) number po ng property,” paliwanag ni Enumerables.

Kinilala naman ni Escudero na hindi kinakailangang ilagay sa SALN ang title number ng isang ari-arian.

Kasunod nito, ipinakita ni Tolosa na nakasaad sa SALN ang acquisition cost na P4,041,000 at taon ng pagkakabili na 2013.

Ngunit sa Deed of Absolute Sale, nakasaad na P3,453,849 lamang ang halaga ng bentahan at nilagdaan ito Marso 15, 2018.

Kinumpirma ni Enumerables ang dalawang pagkakaibang ito, inamin ding walang nakalagay na annotation ng Contract to Sell sa mga titulo ng lupa na kanyang iniharap.

Iniharap ng depensa si Enumerables upang patunayang idineklara sa SALN ni Duterte ang naturang ari-arian sa Samal at mapasinungalingan ang alegasyon ng prosekusyon na aniya’y “malisyoso at lubusang walang katotohanan.”

Gayunman, sa kabila ng magkaparehong halaga ng mga ari-arian sa dalawang rekord, hindi matiyak ng testigo kung ang lupang nakasaad sa opisyal na titulo ay siya ring ari-ariang nakalista sa SALN ng bise presidente.

Sinundan nito ang pagharap nitong Lunes ni Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin, na iniharap din ng depensa upang patunayang idineklara sa SALN ang isa pang pinagtatalunang ari-arian sa Matina Crossing, Davao City.

Kinukuwestiyon ng prosekusyon ng Kamara kung ang mga ari-ariang nakatala sa mga opisyal na rekord ng lupa ay siya nga bang mga parehong asset na nakalista sa mga SALN ni Duterte.

Bahagi ang mga pinagtatalunang ari-arian ng mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon upang suportahan ang alegasyon na nakapagkamal si Duterte nang hindi bababa sa P817.87 milyon na mga hindi idineklarang ari-arian at hindi maipaliwanag na yaman mula 2022 hanggang 2025.