Advertisers
NAGPALABAS ng abiso ang Department of Health (DOH) upang paalalahanan ang mga nagdadalang-tao na maging maingat laban sa matinding alinsangan at tagtuyot na dala ng El Niño dahil sa maaaring idulot nitong problema sa pagbubuntis.
Paliwanag ng DOH, ang sobrang pagkakalantad sa matinding init ay posibleng magpataas ng tiyansa ng maagang panganganak, pagkawala ng sanggol sa sinapupunan, at iba pang maselang komplikasyon.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng mga eksperto ang mga buntis na ugaliing uminom ng marami at malinis na tubig nang regular upang hindi ma-dehydrate.
Inirerekomenda rin sa kanila na manatili muna sa mga malilim at preskong lugar, at hangga’t maaari ay iwasang magbabad sa direktang sikat ng araw.
Dagdag pa ng DOH, mahalagang regular na magpa-prenatal check-up sa pinakamalapit na health center upang masubaybayan nang maayos ang kanilang kalusugan at ang lagay ng sanggol.