Advertisers
KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na anim na katao galing sa bansang India at nakapasok sa Pilipinas ang nagpositibo sa covid-19.
Ayon kay DOH Spokesman Ma. Rosario Vergeire, 110 katao na galing sa India ang isinailalim sa covid test at anim dito ang nagpositibo sa covid-19.
Sa ngayon ay isinumite na nila sa Philippine Genome Center (PGC) ang samples ng mga ito upang maisailalim sa genome sequencing upang matukoy kung anong variant ng COVID-19 ang naka-infect sa mga ito.
“Anim turned out to be positive and it is now submitted to the Philippine Genome Center for whole genome sequencing. Meron pong anim na hanggang ngayon ay nilo-locate pa rin natin,” ani Vergeire.
Magugunitang nagpatupad ng travel ban sa India mula Abril 29 hanggang Mayo 14 upang maiwasan ang pagkalat ng covid-19 lalo na ang India variant na binansagang “double mutant”.
Kaugnay nito, nabatid na irerekomenda rin naman ng DOH na masuri sa COVID-19 ang mga incoming travelers, pito o walong araw matapos ang kanilang pagdating, upang matukoy ang mga positibong kaso.
“Kahit ano pa pong variant… kailangan lagi po tayong protektado so continue doing the minimum public health standards,” paalala ni Vergeire.
Sa ngayon, ang Pilipinas ay nakapagtala na ng 1,075 kaso ng B.1.351 o South Africa variant, 948 kaso ng B.1.1.7 o UK variant, 157 kaso ng P.3 o Philippines variant, at dalawang kaso ng P.1 o Brazil variant. (Andi Garcia/Jonah Mallari)