Advertisers
UMAASA si dating Speaker Alan Peter Cayetano na magkakaroon ng ‘snowball of support’ para sa kanyang isinusulong at ng mga kasamang kongresista sa ‘Back To Service’ na P10K Ayuda Bill sa Kamara.
Ito ay matapos magpahayag ng suporta sa naturang panukala si Parañaque 2nd District Rep. Eric Olivares, sa panayam ng radio DZRJ.
Sinabi ni Olivares na full support sya sa ‘P10K Ayuda Bill’ ni Cayetano dahil kailangan ito ng sambayanang Pilipino. “Kung kaya ng budget bakit hindi para sa mga nangangailangan, kung kaya ng appropriation na i-budget po ‘yon para sa nangangailangan full support tayo doon kung kaya ng budget.’’
“May consensus naman talaga ang buong Pilipinas na kailangan ng P10K ayuda ang mga Pilipino at ito’y mabuti sa ekonomiya at sa pamilya,’’ sabi ng dating speaker.
Nakiusap din si Cayetano sa mga kapwa kongresista na bilisan ang aksyon at suporta sa P10K Ayuda Bill upang maibigay agad ito sa mga nangangailangan lalo na ang mga pamilyang nawalan ng kabuhayan at inilugmok ng pandemyang COVID-19. Mahalaga, aniya, na maikasa na ang P10K ayuda upang agad na maaksyunan ang pagbibigay ng iba pang stimulus package para sa ibang sector ng lipunan.
“Kaya pakiusap ko sa lahat ng kongresista na gawin nating mabilis at i-explain natin sa Malakanyang na may pera naman at agad-agad na yung P10K ay maibigay at agad na isunod naman ang iba pang stimulus gaya ng health, agriculture, tourism, education, at kabuhayan,’’ panawagan ni Cayetano sa mga kapwa mambabatas.
Ang P10K Ayuda Bill ay inihain ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyado noong February 2021. Pero sa halip na ito ay talakayin, isinama ito sa pagtalakay sa Bayanihan 3 ngunit ‘di rin nabigyan ng halaga dahil mas isinulong pa ng Kamara ang pagbibigay ng P1K sa bawat Pilipino.
Ang P1K ayuda ay mariin na tinutulan ni Cayetano. Hindi aniya limos ang kailangan ng mga tao sa kasalukuyan. “Extraordinary times need extraordinary measures. Hindi po limos ang kailangan ng mga Pilipino sa ngayon.’’
Nauna rito, nanawagan si Cayetano sa mga tao na pakiusapan, ligawan ang kanilang mga kongresista na sumuporta sa P10K Ayuda Bill. Aniya, alam nya ang damdamin ng mga kasama sa kongreso tungkol sa naturang panukala.
Noong Mayo 1, ‘Araw ng Paggawa’ ay inilunsad ni Cayetano at ng kanyang grupo ang ‘Sampung Libong Pag-asa’ kungsaan mahigit 200 benepisaryo ang nakatanggap ng P10K ayuda mula sa kanilang sariling pagsisikap. Ito ay upang mahikayat ang kamara na aksyunan na ang panukala upang makatulong sa maraming pamilyang Pilipino na makapag-umpisa ng maliit na kabuhayan at makabangon paunti-unti mula sa pagkakalugmok dulot ng COVID-19.