Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
MARAMI ang naaliw sa ginagawang pagpra-prank ni Alex Gonzaga sa kanyang mga nagiging panauhin sa kanyang vlog.
Pero iba’t iba ang reaksyon ng netizens na nakapanood ng kanyang bagong vlog na sa latest social experiment niya ay ang Manila City Mayor at aktor na si Isko Moreno ang kanyang ginudtaym.
Sa nasabing collaboration, bumisita kasi ang dalawa sa National Museum.
Pero bago pa sila tumuntong sa nabanggit na building ay kumain muna sila ng street food sa bangketa.
Habang Itino-tour ni Yorme si Alex, nagkukuwento ito tungkol sa relics at visual art collections na matatagpuan sa paboritong tourist destination sa Maynila.
May pa-trivia pa siya kay Alex tungkol sa ipinagmamalaking Philippine eagle.
Ilang beses namang nag-excuse si Alex at nagkunyaring sumakit ang tiyan.
Ani Yorme, baka raw humilab ang tiyan ng YouTuber dahil sa nakain nitong tokneneng.
Sa huling bahagi ng video, kinakuntsaba ni Alex ang kanyang assistant sa paglalagay ng peanut butter o mala-champorado mixture sa kanyang suot para palabasin na natae o na-echas ito sa kanyang pantalon.
Umarte pa itong umiiyak sa hiya dahil umano sa pagkakalat niya.
Sa halip na mandiri sa echas kuno, kinalma lang ni Yorme si Alex sa pagsasabing normal lang na nangyayari ang ganoong situwasyon.
Aniya,sanay nga raw siya sa paghawak ng tae dahil dati siyang basurero noong kabataan niya sa Tondo.
Sa huli, na-reveal ni Alex na isang prank lang ang lahat.
Ayon kay Isko, hindi siya nagulat dahil amoy champorado ang paepek na echas ni Alex.
Nagtawanan na lang ang dalawa sa kababawang gimik o prank ng vlogger-actress.
Sa kanya namang Instagram, inamin ni Alex na ang kanyang panggugudtaym kay Yorme ang isa sa mga nakakahiya niyang ginawa.
“Ito pinaka nakakahiya ko ginawang prank pero ang bait ni yorme! Hahaha napahiya at na-echas prank!,” caption niya.