Advertisers
PINASISIBAK agad sa serbisyo ni Philippine National Police Chief, General Guilermo Eleazar, ang limang pulis na dumukot at pumatay/sinunog sa isang online seller sa Nueva Ecijia.
Kinilala ang limang pulis na sina SSgt. Benidict Matias Reyes, nakatalaga sa Sta. Rosa Municipal Police Station sa Nueva Ecija; SSgt June Malillin ng Palayan City Police Station, Corporal Julius Alcantara ng Nueva Ecija Provincial Police Office – Drug Enforcement Unit, MSgt. Rowen Martin ng Cabanatuan City Police Station, at SSgt Drextemir Esmundo ng Cabiao Municipal Police Station.
Kabilang din sa mga salarin ang sibilyan na sina Franklin Macapagal at Dario Robarios sa pagdukot at pagpatay sa biktimang si Nadia Casar, isang Muslim.
Nasa kostudiya na ng pulisya sina Reyes, Malillin, Alcantara at Robarios, habang at-large sina Martin, Esmundo at Macapagal. Sinampahan ang mga ito ng demanda sa Department of Justice.
Nabatid na dinukot si Casar at nirentahan ang isang Grab driver ng limang armadong lalaki 1:45 ng hapon sa Barangay Tagpos, Sta. Rosa, Nueva Ecija noong Hulyo 20 (Martes).
Kinuha ng mga pulis ang cellpnone at P4,500 cash ng Grab driver. Kinabukasan (Hulyo 21), dakong 3:00 ng umaga, pinakawalan ang driver ng mga salarin.
Nakuha ang sunog na labi ng biktima 2:30 ng hapon sa Sitio Pinagpala, Barangay Imelda Valley, Palayan City, kung saan ito inilibing ng mga salarin noong Agosto 1 (Linggo).
Inatasan ni Eleazar ang Internal Affairs Service na paspasan ang summary dismissal proceedings laban sa limang pulis, gayundin ang AKG at Integrity Monitoring and Enforcement Group na tugisin ang ibang nakalalaya pa.
“Mariin nating kinokondena ang pangyayaring ito. Sinisiguro ko sa inyong masisibak sa serbisyo at pananagutin natin sa batas ang lahat ng pulis na sangkot sa pagdukot at pagpatay kay Nadia Casar,” ngitngit ni Eleazar.
Sinabi ni Eleazar na ang mga ganitong utak kriminal at sagad sa buto ang kasamaan ay nababagay mabulok sa kulungan.
Nagpaabot ng pakikiramay ang PNP Chief sa pamilya ng biktima at nangakong mabilis na ihahatid sa kanila ang katarungan para sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
Ipinag-utos din ni Eleazar ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pa bang pulis na sangkot sa kidnap-for-ransom.(Mark Obleada)