Advertisers
NABUKING ang ginawang pagtatangka ng mag-asawa na mailusot sa quarantine checkpoint sa hangganan ng San Pablo, Laguna at Tiaong, Quezon ang 5-taon nilang anak na itinago sa kahon. Ang bata, kumaway sa mga awtoridad nang makita siya.
Sa ulat, sinabing ang mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) ang nakapansin sa kahon na nasa sidecar ng mag-asawa na galing sa Quezon.
Hinigpitan ang mga papasok sa Laguna na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) hanggang Agosto 15 dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.
Nasa ilalim naman ng general community quarantine with heightened restrictions ang Quezon.
Ayon kay Dina Medoza, namumuno sa HPG na nakatalaga sa checkpoint, idinahilan ng mag-asawa na may kukunin silang mga gulay sa San Pablo.
Nang tanungin tungkol sa lamang ng kahon, sinabi ng mag-asawa kay Mendoza na damit ang laman nito.
Pero nang kanilang buksan ang kahon, sabi ni Mendoza: “Bata ang laman. Batang lalaki at kumaway pa po sa amin.”
Gayunman, hindi na raw nila kinasuhan ang mag-asawa at pinabalik nalang sa kanilang pinanggalingan dahil hindi maaaring palusutin ang mga bata.
“Gusto maghanapbuhay siguro. Walang maiwanan sa kaniya (bata), kaya sinama. Kaya lang po protocol na bawal po ilabas ang bata,” ayon kay Mendoza.