Advertisers
INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na patuloy niyang sinusuportahan ang ginagawang pagsisikap ng Department of Health na pangunahan ang sektor ng kalusugan upang malagpasan ang health crisis sa bansa.
Gayunman, ipinaalala ni Go sa DOH na tiyaking ang mga isyung kumukulapol sa ahensiya, partikular ang natuklasang kahina-hinala sa pondo nito ng Commission on Audit, ay kagyat na dapat malinawan at masagot sa lalong madaling panahon upang hindi maapektuhan ang COVID-19 response efforts na ginagawa ngayong pandemya.
“Walang dapat masayang lalo na’t patuloy ang ating pagbabakuna at pagsugpo sa pandemya. Bawat araw, bawat oras, bawat minuto, at bawat piso ay mahalaga dahil habulan itong laban na ito. Huwag dapat mawala ang focus natin sa tunay na kalaban — ang COVID-19, kasama na d’yan ang hirap at gutom na dala nito,” ayon kay Go.
Umapela si Go sa mga kinauukulang opisyal ng DOH na klaruhin ang isyu sa COA report upang ang anumang pagdududa ay maalis sa ahensiya at makapagpokus ang bawat isa sa paglaban sa pandemya.
“I appeal to the Department of Health to clarify further the issues found in the Commission on Audit’s findings regarding the use of public funds for the country’s pandemic response. Given that we are in a state of public health emergency, we should ensure that these issues are resolved immediately,” anang senador.
Ipinaalala rin niya sa iba pang ahensiya ng gobyerno na siguruhin ang pondo ng gobyerno ay nagagamit nang tama at naaayos sa regulasyon ng batas.
“Bilang Chair ng Senate Committee on Health, lagi kong ipinapaalala sa mga ahensya na siguraduhing nagagamit nang maayos at tama ang pondo ng taumbayan, lalo na ngayon na tumataas na naman ang (bilang ng mga) kaso ng COVID-19,” sabi ni Go.
Sinabi ng COA sa audit observation nito na may natuklasan itong ilang mali sa pamamalakad ng COVID-19 funds ng DOH.
Bagaman hindi pa naman aniya masasabing anomalya ang COA Audit Observation ay dapat pa ring maipaliwanag at masagot ang mga hinala sa paggamit ng pampublikong pondo.
“Trabaho naman talaga ng COA na siyasatin kung ginagamit nang wasto ng lahat ng mga ahensya ng gobyerno ang pondo ng bayan,” ani Go.
Bahagi aniya ng papel ng COA na idetermina kung may mga pagkakamali sa tala ng audit of accounts, operations o transactions ng isang ahensiya kaya tungkulin din ng mga ahensiya, tulad ng DOH na sumagot at magsumite ng mga dokumentong magpapatunay na walang anomalya.
“Kaya kung may ganyang mga isyu na kailangang sagutin, ipaliwanag na dapat ito kaagad sa taumbayan sa klaro, kumpleto at madaling maintindihan na paraan. Kapag naresolba ang mga iyan, mas matutukan natin ang pagsiguro ng sapat na gamot, bakuna, at serbisyo para makasalba ng buhay ng mga may sakit,” idiniin ni Go.
“Kaya para sa DOH, bukod sa pagsiguro na sapat ang ating mekanismo upang mapangalagaan ang kalusugan ng ating mga kababayan, parte rin ng mandato ninyo ang pagsiguro na wala ni isang iregularidad sa mga hakbang na ating ginagawa,” anang mambabatas.
Naniniwala naman si Go na buhay at kapakanan ng bawat Pilipino ang inuuna sa trabaho ng DOH.
“Malayo na ang narating natin mula nang nagsimula ang pandemya. Huwag nating sayangin ang hirap at sakripisyo ng bawat Pilipino para maiahon ang bansa mula sa krisis na ito,” ayon pa sa senador.
Bilang sagot naman sa COA findings, klinaro ng DOH clarified na ang P67.3 bilyon na “naka-flag” sa COA report ay accounted lahat.
“The Php 67.3 billion is accounted for. Wala pong kinurakot, inilaan natin ang mga pondong ito para sa ating mga kababayan. The flagged issues are being addressed by the DOH. Rest assured, that the funds allotted to the DOH are all spent for the procurement of test kits, PPEs, payment of HCWs benefits, salaries of HRH among others,” ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.
“Bukas po ang aming tanggapan at handa po kaming ipakita sa ating mga kababayan na tama ang paggastos ng kanilang mga taxes. We take our COA findings very seriously and have been working to further improve our processes and controls so that we can serve the public most effectively especially during this pandemic, ” anang pa ng kalihim.