Advertisers
TOTOHANAN ba ang nagaganap na bangayan ng dating magkakatropa o isa itong zarzuela upang libangin at paglaruan si Mang Juan hinggil sa usaping bayan nang maisantabi ang usapin sa pandemya? Walang tuwirang alam si Mang Juan kundi ang usapin na lumikha ng bilyon-bilyong kontrobersya na pinasukan ng Kagawaran ng Kalusugan sa pangunguna ng kalihim nito, ng Inferior Davao Group, at ng mga tsekwang nagnanais kumita sa kaban ng bayan.
Sumabog ang anomalya sa pinasukang transaksyon na naglabas ng bilyon-bilyong baho na nakita ng COA. Ang masakit nito, pumasok pa ang Senado sa ngalan ng kaliwanagan (transparency,) sa pangunguna ni Sen. Laway ng Blue Ribbon Committee (BRC). Ikinagalit ito ng IDG sa pangunguna ni Totoy Kulambo at inakusahan ang BRC na nambabarako na sinusuwag ang mga bata nitong dumalo sa mga pagdinig. Tila nakalimot si Sen. Laway na nagpasikat upang mapansin sa ngalan ng nalalapit na halalan.
Sa takbo ng bangayan at pagpalaot ng mga personalidad sa anomalyang pinag-uusapan, masasabing maganda ang pagkakaluto na tila ang zarzuela’y nagkakatotoo. Dahil nadala sa emosyon ng laro, este imbestigasyon, sumabat ang puno ng IDG upang ipagtanggol ang mga tao nito at sinabing mag walkout sa pagdinig na ginagawa ng senado sa kadahilanang ‘di patas ang pagdinig. At kagyat na inatake si Sen. Laway, sa halip na sagutin ang mga nakitang mga anomalya, inilihis ang isyu at ipinasa sa Philippine Red Cross (PRC) ang bola ng kontrobersya na pinamumunuan ni Sen. Laway. Inutusan si Bongoloid na magsalita upang kondenahin ang tserman ng BRC na hindi sumusunod sa parliamentary courtesy, na kahit kapwa mambabatas ay nasagasaan. Lumang taktika ang paraan, ngunit kailangang gawin upang maiwas ang mga tauhan sa anumang posibilidad na madulas at umabot ang usapin ng pondo sa Puno ng Balite ng Malacañang. Tila nag-amok si Sen. Laway na walang habas na pinagtataga ang mga bata ni TK, sa ngalan ng transparency.
Sa kabilang dako, tila hindi nasunod ang hinandang script, at nagka-sakitan ang magkakatropa na mukhang nagkapersonalan ang laban. Ang kagandahan, may mga pumasok na ibang senador na hindi kasama sa script na nagpahirap sa IDG na sagutin o pagtakpan ang mga anomalyang ipinapakita Ang pagwa-walk out na sagot na nagpainit sa ulo ng mga senador na maging ang tagapanood o tagapagtanggol ng IDG’y tila hindi sang-ayon sa aksyong ni TK. Lumalabas na may itinatago’t hindi tanggap ang gawang pagwawalk-out.
Subalit hindi kinagat ng senado ang patutsadang walkout, at sa halip, nagtulong-tulong pa upang palalimin ang imbestigasyon sa harap ng malakas na pwersa ng IDG. Naglabas ng dagdag na anomalya si Ping Formula hinggil sa pagbili ng ambulansya ang Kagawaran ng Kalusugan, na pinatungan ng tumataginting na P1M kada sasakyan. Hayun, lalong nalugmok ang gumawa ng script kung paano pipigilan ang mga kontrobersyang hinaharap ng IDG, maging ng mga engkanto sa puno ng Balite sa Malacañang.
Sa pagbabago ng mga kaganapan sa senado, mukhang nagkakatotohanan ang laban ng mga magkakatropa. Ang pagkampi ng mga kalaban sa dating mga kakampi’y tila ‘di tanggap ng IDG kaya’t si Bongoloid ay nagbigay ng pahayag na nanunuwag na si Sen. Laway na walang ganitong eksena sa script na inihanda. Lumalabas na nagbabalat sibuyas ito, gayung ang lahat ng dokumentong hawak ng mga senador ay nagtuturo rito, kasama ang isang Laurence Lao.
Sa dokumentong hawak ni Sen. Laway, lumalabas na lutong makaw ang pinasukang transaksyon ng DOH na masasabing lugi ang pamahalaan, at siya pang sinusuwag? Paano na si Mang Juan?
Sa pagtakbo ng araw, pumasok si TK at hinasikan ang mga senador, lalo si Sen. Laway na ibig ipa-audit ang PRC upang mabatid ang mga anomalya na meron dito. Ngunit parang wala sa panuntunan ang ibig ni TK na may ligal na usapin, na kung maaari o hindi na ma-audit ang isang grupo na wala sa ilalim ng pamahalaan. May mga transaksyon, subalit hindi ito sapat upang magawa ang ibig ni TK sa PRC.
Kung sa bagay, sanay sa mga iligal na gawa ang IDG subalit sa pagkakataong ito, ang mga uutos o inuutusa’y hindi handa upang sumabak at mapahamak. At sa paghakbang ng IDG, lalong lumalaban si Sen. Laway, Sen. Ping Formula at sinamahan pa ni Bigman. Hayun, hindi magkamayaw ang IDG at ang Malacañang sa pagsalag ng mga kontrobersyang kinaharap. ‘Di malaman kung sino ang sasalagin. Mabuti’t naalimpungatan si SP Tito Escalera na nagmumungkahi kuno na nag-uusap ang magkabilang grupo ng mga kapaliwanagan.
Sa pagpasok ni SP Tito Escalera sa eksena bilang tagapamagitan, hindi sigurado kung ito ang dulo ng script kung saan magkakaroon ng pagbabati ang magkabilang grupo na magsasara sa anomalyang inilabas at ibaon sa limot. Sa pag-uusap at pagkakabati ng dalawang grupo, ang mga usapin ba’y biglang maglalaho at matutuon sa mga gawain ng mga politiko na pumalaot sa halalan? Siguradong hindi lalabas kung sino-sino ang dapat managot, sa halip, hayaan na si Mang Juan ang magdusa’t magbayad sa mga pondong inutang na nauwi sa bulsa ng mga gumanap sa zarzuela. Sa pagtahan ng mga usapin, maniwala kayo o sa hindi, tiyak na nagkaroon ng game-fixing sa usaping ito.
At paano na ang usapin na sa huli’y si Mang Juan ang papasan ng mga bayarin. Kawawa si Mang Juan sa uri ng liderato na mayroon siya sa kasalukuyan, hay….
Sa ganitong pangyayari, mahusay ang pagkakaganap ng mga artista na pwede pang umulit nang isang termino na may anim na taon o posisyon na sila ang gaganap bilang mga kalihim. Hindi pa rito kasama ang mga abutan ng takits na maaaring naganap sa pagkakaroon ng usapan. May Mutual Understanding at ‘di magtatagal ang katahimikan dahil ang usaping halalan na ang pag-uusapan. Ngunit ang pagkagising ni Mang Jua’y totohanan at ang anomalyang pinag-usapan ang gumising sa api nitong diwa na magdadala para sa kinabukasang may biyaya, ito ang totohanan na inyong pinagsisihan.
Maraming Salamat po!!!