Advertisers
MULING bumaba ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 matapos makapagtala lamang ang Department of Health (DOH) ng 16,989 na karagdagang kaso nitong Miyerkules, Setyembre 15.
Samantala ay mayroon namang naitalang 24,123 na gumaling at 214 na pumanaw.
Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 7.5% (170,446) ang aktibong kaso, 91.0% (2,076,823) na ang gumaling, at 1.57% (35,742) ang namatay.
Ayon sa DOH, apat na laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng kanilang datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 4 labs na ito ay humigit kumulang 1.1% sa lahat ng samples na naitest at 1.0% sa lahat ng positibong mga indibidwal.
Ayon pa sa DOH, ang mababang kaso ay dahil sa mababang output ng mga laboratoryo noong Lunes, Setyembre 13. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)