Advertisers

Advertisers

Tanong sa mga kandidato

0 9,376

Advertisers

MALALAMAN ang saloobin ng mga kandidato sa halalang pampanguluhan kapag humarap sila sa publiko at tinanong ng kanilang paninindigan sa mga mahahalagang usapin na bumabalot sa sambayan. Apat ang mga isyu na dapat harapin ng mga kandidato: Una, ang madugo ngunit bigong digmaan kontra droga ng administrasyong Duterte; ikalawa, ang pagsugpo sa pandemya na humagip sa mahigit dalawang milyon katao sa ngayon; ikatlo, ang korapyon sa gobyerno na tinatayang umaabot sa P1 trilyon ang nawawala kada taon sa kaban ng bayan; at ikaapat, ang pagpasok ng Tsina sa teritoryo ng Filipinas at pangangamkam sa West Philippine Sea.

Maaaring idagdag ang isyu ng mga political dynasty, o mga pamilya na kumokontrol sa Filipinas, ang pagbagsak ng ekonomiya at programa upang iahon ito, at mga usapin ng pagbabago ng klima (climate change) at kapakanan ng mga bata ( children’s welfare).

Sa mga debate at palitan ng kuro-kuro ng mga kandidato sa mga usapin, masasalamin ng mga botante kung sino sa kanila ang may matibay na paninindigan. Ito ang basehan ng kanilang desisyon kung sino sa kanila ang papalit kay Rodrigo Duterte sa 2022. Maaaring basehan ng suporta pulitikal ang mga debate sa publiko.



Ngayon, apat ang nagdeklara na sasabak sa 2022: Bong Go–Rodrigo Duterte ng PDP-Laban (Cusi paksyon); Ping Lacson-Tito Sotto ng Reporma; Manny Pacquiao (wala pang katambal) ng PDP-Laban (Koko Pimentel paksyon) at Isko Moreno-Willie Ong ng Aksyon Demokratiko. Maaaring sumabak sina Leni Robredo ng Liberal Party, Sonny Trillanes ng Magdalo, at BBM.

Sa unang usapin, alam natin ang paninindigan ng apat na kandidato. Pawang sumusuporta sina Bong Go, Ping, Mane, at Isko sa mga EJK sa bigong giyera kontra droga. Pero malalaman pa rin ang saloobin nila kung paiikutin ang tanong sila. Pinakamaganda na malaman kung ano ang paninindigan nila sa usapin ng sakdal na crimes against humanity na iniharap noong 2017 ni Sonny Trillanes at Gary Alejano sa International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte.



Sapagkat sumulong na ang sakdal at nahaharap sa pormal na imbestigasyon ng ICC sina Duterte at mga kasama tulad ni Jose Calida, Dick Gordon, Bato dela Rosa, Alan Cayetano, Vitaliano Aguirre at iba pa, maiging matanong ang bawat kandidato kung nakahanda silang isuko sina Duterte sa ICC. Dahil malamang lumabas ang warrant of arrest laban sa mga nasasakdal, dapat matanong sila kung isusuko at isasailalim sila sa hurisdiksyon ng ICC.

Kapag hindi kinilala ng sinumang kandidato ang poder ng ICC at nagsabing hahayaan nila ang lokal ng hukuman ng Filipinas ang magdesisyon sa kanila, alam na natin na kung sino ang sikretong kandidato ni Duterte. Kapag binanggit ng sinuman sa kanila ang pagtiwalag ng bansa na inumpisahan ni Duterte noong 2019, alam na natin kung sino ang maka-Duterte hanggang sa dulo. Kaya mahalaga na matanong sila sa isyung ito.



Ngayon, malinaw si Isko Moreno sa kanyang pahayag na hindi niya isusuko si Duterte sa ICC. Ipinahayag niya noong Miyerkoles na mayroon siyang sariling konsepto ng “healing presidency” at ito ang pabayaan si Duterte. Hindi namin maintindihan kung sino ang nagpayo kay Isko ngunit halata ang kasalatan niya ng kaalaman kung ano talaga ang healing presidency.

Sa kanyang limitadong pananaw, ang palusutin si Duterte at kapanalig ay healing presidency na. Ang hindi managot si Duterte sa mga kasawian na ibinigay sa bansa ay healing presidency, o panguluhan ng paghihilom. Wala kaming nakikitang paghihilom sa kanyang interpretasyon. Kawawa ang bayan kapag nahalal na pangulo si Isko.

Ngayon, wala kahit isa sa mga kandidato ang may solusyon sa pandemya at programa upang paangatin ang kabuhayan. May malinaw na ideya si Leni Robredo kung ano ang gagawin upang masugpo ang pandemya, ngunit bantulot sumabak at hanggang ngayon nagninilay-nilay pa siya kung tatakbo o hindi kahit nag-organisa na ang kanyang mga kalaban.

Kahit maingay sila sa usapin ng korapsyon dahil ipagnagdidiinan na hindi sila korap at hahabulin umano nila ang korap, hindi sila nagsasalita kung ipakukulong nila ang mga korap. Kataka-taka na hanggang ingay lang sila at wala naman programa upang mapigilan ang nakawan sa gobyerno. Pinakamaingay si Mane sa usapin ng korapsyon ngunit kapos naman ang kanyang batikos sa administrasyong Duterte dahil wala ang mga ipinangako na detalye ng korapsyon.

Masasalamin na maingat ang mga kandidato sa usapin ng Tsina at hindi sila tahasang nagsasalita na kokontrahin nila ang pangangamkam ng Tsina sa ating teritoryo. Nakakaduda tuloy at hindi namin maiwasan ang mag-isip kung naghihintay sila ng grasya mula Tsina. Walang malinaw sa kanilang paninindigan sa Tsina. Matyagan kung paano papalaot sa debate ang mga kandidato. Tingnan ang kanilang mga paninindigan sa mga pangunahing usapin.

***

MAY pahayag si Sonny Trillanes tungkol sa lagay ng pulitika ng bansa. Pakibasa:

Panawagan para sa agarang pagdesisyon ni VP Leni Robredo ukol sa 2022 elections

Bunga ng mga pagdeklara ng pagtakbo bilang Presidente nina Sen. Ping Lacson, Sen. Manny Pacquiao at Mayor Isko Moreno, nabasura nang tuluyan ang “unity talks” na tinutulak ni VP Leni Robredo. Simula’t sapul, talagang desidido naman silang tumakbong pagka-Presidente.

Bukod pa rito, hindi naman sila TUNAY NA OPOSISYON kahit papaano pa natin baliktarin ito. Kung kaya’t nananawagan na ang grupong Magdalo para sa agarang pagdedesisyon ni VP Leni ukol sa darating na 2022 elections. Sa mga nakaraang buwan, ang buong oposisyon ay hinayaan si VP Leni na pagdaanan ang kanyang masusing decision-making process. Nirespeto at inintindi ito ng oposisyon dahil alam natin kung gaano kabigat ang desisyong ito.

Subalit ngayong isang linggo na lang ang nalalabi bago ang filing ng certificate of candidacy, naniniwala kami na sapat na panahon na ang nagdaan para sa kanyang masusing pagsusuri at pagtimbang sa kung ano ang makakabuti sa ating bansa. Handang-handa na rin kaming mga pwersa ng oposisyon na nagkakaisa sa likod ni VP Leni para itulak ang kanyang kandidatura sa pagka-pangulo. Kumbinsido rin kami na mananalo si VP Leni sa pagkapangulo sa oras na ituloy nya ang kanyang pagtakbo.

Makakaasa ang hanay ng TUNAY NA OPOSISYON na nakahanda ang Magdalo na punuan ang kakulangan sa liderato kung sakali ngang umatras nang tuluyan si VP Leni. Mahabang panahon na rin ang inilaan ng Magdalo sa patuloy na pakikipaglaban sa pangungurakot at pang-aabuso, at tunay na paninindigan para sa karapatan ng mamamayan. Hindi kami aatras sa hamong ito.
Muli, nananawagan kaming mga Magdalo kay VP Leni na magbigay na ng agarang desisyon ukol sa darating na 2022 elections.

Kailangan nang sagutin ang pangamba ng karamihan kung pamumunuan niya ba ang TUNAY NA OPOSISYON sa pamamagitan ng pagtakbo bilang presidente o ipapaubaya na lang sa iba na ipagpatuloy ang laban tungo sa tunay na pagbabago. Hindi tayo nagmamadali pero hindi rin dapat tayo nagpapahuli sa usapin ng taumbayan. Kung handa na si VP Leni, ipapanalo natin siya. Kung hindi naman siya tutuloy, nakahanda ang Magdalo.

***

Email:bootsfra@yahoo.com