Advertisers
IPINATAWAG ng House committee on Good Government and Public Accountability si Krizle Mago, ang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na nagbunyag na binago nila ang expiration dates ng mga face shields na binili ng pamahalaan.
Ayon sa chairman ng komite na si DIWA party-list Rep. Michael Aglipay, napagbotohan nila na maglabas ng subpoena ad testificandum kay Mago, na napaulat na hindi na ma-contact sa ngayon kasunod ng kanyang rebelasyon sa pagdinig ng Senado noong Biyernes ng nakalipas na linggo.
Binigyan-diin ni Aglipay na puwedeng dumalo si Mago sa kanilang pagdinig sa Oktubre 4 sa pamamagitan ng video teleconferencing.
Sinabi pa nito na kanilang ipinatawag si Mago dahil sa mga alegasyon na masyadong “one-sided” ang pagdinig ng kanilang komite.
Nanawagan si Aglipay sa mga kapwa niya mambabatas sa mataas na kapulungan ng Kongreso na maging “fair” sa kanilang sariling imbestigasyon. (Josephine Patricio)