Advertisers
SI Jinggoy Estrada ay isang lingkod bayan na walang katulad.
Bilang panganay na anak ni Joseph Estrada, isang tanyag na aktor na naging alkalde, senador at pangulo ng Pilipinas, maagang napagtanto ni Jinggoy ang kanyang napipintong pagsunod sa mga yapak ng ama.
Tulad ng kanyang ama, nagsimulang makilala si Jinggoy bilang aktor sa pinilakang tabing. Ganunpaman, maaga rin siyang sumuong sa pulitika. Sa edad na 25, siya ay agad nahalal bilang bise alkalde sa San Juan at nanungkulan sa mahabang panahon ang kanyang ama bilang alkalde.
Hindi nagtagal at nahalal din si Jinggoy bilang pinaka-batang alkalde ng lungsod sa edad na 29.
Sa loob ng tatlong magkakasunod na termino, maraming pagbabagong ginawa si Mayor Jinggoy na kinilalang “Anak ng Masa” sa San Juan. Naging isa ito sa pinaka-progresibo at pinakamapayapang munisipalidad sa buong Pilipinas. Dahil sa mga proyekto at programa ni Mayor Jinggoy para sa pang-ekonomiya, panlipunan, pampulitika, at pangkulturang gawain ng lungsod, hindi kalaunan at nakuha rin nya ang tiwala at paghanga ng kanyang mga kapwa alkalde at siya ay nahalal bilang Pambansang Pangulo ng Liga ng mga Lungsod ng Pilipinas mula 1998 hanggang 2001.
Dito naipamalas ni Mayor Jinggoy ang kanyang kahanga-hangang kakayahan sa pamamahala ng publiko. Sa pagkilala sa abilidad ng mga lokal na pamahalaan na makatulong sa pag-unlad ng buong bansa, pinangunahan ni Mayor Jinggoy ang maraming programa na lalong nagpalakas at nagbigay ng makabagong pasilidad sa hindi bababa sa 1,525 na mga munisipalidad.
Sa ilalim ng panunungkulan ni Mayor Jinggoy sa loob ng tatlong termino, naging makabago at modern ang lungsod ng San Juan. Dahil dito, mas lalo pa niyang pinalawak ang kanyang hangarin na maglingkod sa marami pa nyang kababayan. Kaya nung taong 2004, siya ay nahalal bilang senador ng bansa. Walang sinayang na panahon si Senador Jinggoy sa kanyang dalawang anim na taong panunungkulan at hindi nagtagal, siya ay itinuring bilang isa sa pinakamasipag at namumukod-tanging mambabatas.
Mula sa kanyang posisyon sa Senado, hinawakan ni Senador Jinggoy ang posisyon ng Senate President Pro Tempore. Siya rin ang namuno ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources at ang Congressional Oversight Committee on Labor and Employment. Naging aktibong miyembro rin siya ng marami pang ibang komite kasama na rito ang Commission of Appointments.
Bilang mambabatas, naging akda o kapwa akda si Senador Jinggoy ng daan-daang mga panukalang batas sa loob ng kanyang dalawang termino. Mahigit sa 600 sa mga panukalang batas na ito ang naihain sa ika-16 na kongreso mula 2013 hanggang 2016. Karamihan sa kanyang mga panukalang batas ay nakatuon sa pagpapabuti at pagpapalakas ng mga patakaran na nakakaapekto sa mga manggagawa lalo na ang Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
Isa sa mga pangunahing batas na inakda ni Senador Jinggoy ay ang Republic Act 10361 o mas kilala bilang Kasambahay Law, o ang batas na nagtataguyod ng interes at kapakanan ng mga domestic workers sa Pilipinas. Ang batas na ito ay nagtakda ng mga pamantayan, pribilehiyo at iba pang karapatan ng domestic workers.
Matagumpay ding na-sponsor ni Senador Jinggoy ang pagpasa sa batas ng PESO Law o RA 10691, ang batas ng SPES o RA 10917, ang pagpapalakas ng NLRC o RA 10741 at ang pagbibigay-laya sa mga kababaihan na magtrabaho kahit sa gabi sa RA 10151. Aktibo rin siyang nakilahok sa pagsasaayos ng iba pang mahahalagang hakbangin tulad ng Batas AMLA, mga Amendments sa National Internal Revenue Code sa E-VAT at ang Excise Tax, National Budget, Synchronized Barangay at SK Elections at ang Ratification of the International Labour Organization Convention on Forced Labor o sapilitang pagtatrabaho.
Kahit hindi na mabilang ang mga papuri at karangalan nyang natanggap bilang isang lingkod bayan at maging bilang isang mahusay na actor, hindi pa rin handing tumigil si Senador Jinggoy sa paglilingkod sa maraming Pilipino. Kaya noong Setyembre 29, 2021, naghain siya ng kanyang kandidatura para sa Senado sa nakatakdang pambansang halalan sa susunod na taon.
“Mga kababayan, mga kasama, mga ka-masa, ako po si Jinggoy, buong puso kong inihahayag ang aking intensyong makibahagi sa malinis na halalan upang maging senador muli,” idineklara ni Jinggoy sa kanyang personal na mensahe.
Sa kanyang muling pagbabalik sa Senado at pangakong “Aaksyon para sa masa,” handa si Senador Jinggoy na “makatulong sa pagtugon sa mga pangunahing sakit at hamon na kinakaharap ng bansa sa ilalim ng bagong normal.”
Gusto rin ni Senador Jinggoy na mag-akda o maging kapwa-akda nga mga batas na mas lalo pang magpalakas sa mga lokal na pamahalaan sa mga lugar sa labas ng National Capital Region o NCR. (BKC)