Advertisers
ARESTADO ang tatlong Chinese nationals at isang Pinoy na kasabwat ng mga ito nang kidnapin ang isa nilang kababayan sa Pasay City.
Iniharap kay Police Brigadier General Jimili Macaraeg, director ng Southern Police District (SPD) ang mga nadakip na sina Zhao Lingdi, 24 anyos; Feng Xialong, 31; Hao Zhengdong, 40; at Aaron Montenegro, 40.
Kinilala naman ang biktimang si Chen Yuansen, 21, nanunuluyan sa nabanggit na lungsod.
Sa report, Oktubre 2 dinukot ang biktima sa Sea Escape CCP Complex, Barangay 76, ng nabanggit na lungsod. Kinulong ito sa POGO company na matatagpuan sa William Street ng nasabi ring siyudad.
Humingi ang mga suspek ng ransom money na nakakahalaga ng P300,000.00 sa biktima.
Tinawagan ng biktima ang kaibigan nito na si Jin Zhongguo na nagpanggap naman na dadalhin ng huli ang nasabing halaga bilang katubusan sa paglaya ng kaibigan.
Ngunit, ini-report ni Jin ang naganap na pagdukot sa kaibigan. At nitong Biyernes, 8:30 ng gabi, nagkasa ng entrapment operation ang mga pulis sa harapan ng Sequoia Hotel sa Aseana City, Business Park, Parañaque City. Nakuha sa mga suspek ang isang kulay puting Toyota Hi Ace Commuter van (NEF4546) na nakarehistro sa isang Hui Zhang.
Nakakulong ngayon ang mga syspek sa Pasay City Detention Management Unit.(Gaynor Bonilla)