Advertisers
NAGPAHAYAG ng suporta ang Commission on Human Rights (CHR) sa Department of Justice (DOJ) sa paghimok nito sa mga witnesses na lumutang na at tumestigo sa pagkamatay ng 56 katao sa 52 cases ng illegal drugs operations na isinagawa ng mga pulis.
Sa isang statement, tiniyak ni CHR spokesperson Jaqueline Ann de Guia na tutulong sila sa case build-up na kasalukuyang ginagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pamamagitan ng independent probe na isinasagawa nito basta mabigyan lamang sila ng access din sa ilang mahahalagang files ukol sa mga kaso.
Nitong Martes, Oktubre 20, inilabas ng DOJ ang 20-pahinang information table sa 52 “deadly” anti-illegal drugs operations na isinagawa ng Philippine National Police (PNP).
Nakasaad dito ang pangalan at ang nangyari sa pagkamatay ng 56 katao subalit hindi naman natukoy dito ang pangalan ng mga pulis na pinaparatangang nasa likod ng mga krimen na ito.
Giit ni De Guia, ang paglalabas ng mga impormasyon na ito ay malaking tulong para sa pamilya ng mga biktima at para makamit din nila ang hustisya na kanilang inaasam.
Binigyan-diin ni De Guia na isa sa mga unang hakbang para mapanagot ang mga nasa likod ng krimen ay kapag magkaroon ng tunay na imbestigasyon kaya naman nanawagan sila sa mga witnesses na lumutang na at magsalita sa naturang mga illegal drugs operations. (Josephine Patricio)