Advertisers

Advertisers

P100M na kinita ni Isko sa pagi-endorse ng mga produkto, binigay sa charity

0 318

Advertisers

TINATAYANG nasa P100 million na kinita ni Manila Mayor Isko Moreno bilang kabayaran sa pagi-endorso ng iba’t-ibang produkto simula 2019 ay nauwi lang lahat sa charity.

Ito ang nabunyag sa isang panayam, nang tanungin si Moreno na siyang Presidential bet ng Aksyon Demokratiko sa halalan sa May 2022. Ayon kay Moreno, nang siya ay tanungin kung ang mga iniindorso nyang mga produkto ay nangako na ng donasyon para sa kanyang campaign funds, sinabi nito na: “Hindi ko pa alam pero I’m pretty sure, hindi ko nakita kahit singkong duling ang talent fees ko.”

Ang panayam ay ginawa matapos ang groundbreaking ng itatayong President Corazon C. Aquino General Hospital sa Baseco, Port Area, Manila.



Sinabi ni Moreno na nakakataba ng puso at napakagaan sa pakiramdam na ang lahat ng bayad sa kanya sa mga commercial endorsements ay nakatulong sa mga may sakit at sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal, kalamidad sa Cotabato at Cagayan, pati na sa eskwelahan para sa mga madre.

Matatandaan na noong nagsimula siyang manungkulan bilang alkalde ng Maynila ay ibinigay niya bilang donasyon ang kanyang kita mula sa pagi-endorse ng isang kilalang clothing apparel company sa cancer ward para sa mga bata sa isang national government hospital.



Hindi na matandaan ni Moreno kung ilang endorsements ang kanyang ginawa simula nang maupo bilang alkalde ng Maynila noong 2019.

Ito ay kinabibilangan ng mga food supplements, drinks, clothes, aesthetic products at maging ng mga pandemic-related items tulad ng onizer at vitamins.



Samantala ay pinasalamatan ni Moreno ang lahat ng mga naglalagay ng billboards at promotional materials para sa kanya, na mula sa sarili nilang gastos.

“Nagugulat ako kasi ang daming billboard up to Maguindanao, Northern Luzon and Visayas. Lima singko. Pero wala pa talaga kaming official na materials. Kung anuman nakikita ninyo, gastos ng tao and I am grateful, whoever they are,” sabi pa ni Moreno.

Sinabi ni Moreno na natutuwa siya sa paglaki ng kanilang political party. Idinagdag din niya na wini-welcome niya ang lahat sa Aksyon Demokratiko ang lahat, kahit pa saang partido pulitikal nagmula na nakikibahagi ng kaparehong intensyon na hilumin ang bansa na pinagwatak-watak ng politika ng ilang dekada at gumawa ng aksyon upang hanguin ang bansa sa kumunoy na kasalukuyang kinasasaglakan nito ngayon. (ANDI GARCIA)