Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
SWAK sa mahihilig sa horror-comedy at bilang Halloween presentation ang pelikulang Sa Haba ng Gabi na tinatampukan nina Jerald Napoles, Kim Molina, at Candy Pangilinan.
Si Neneng (Candy), na katulong sa isang engrandeng mansiyon ng isang senator ay hinimok ang kanyang pinsan na si Jhemerlyn (Kim) na magtrabaho rito kasama siya. Hindi nagtagal, nadiskubre ni Jhemerlyn na ginagamit ng senador ang mansiyon para doon dalhin ang kanyang mga babae.
Hanggang isang araw, umuwi ang senador na maputla at mukhang may sakit. Di nagtagal ay nabalitaan ng magpinsan na may virus na kumakalat sa buong probinsiya at ginagawa nitong zombie ang mga tao.
Habang nagaganap ang apocalypse, sa mansiyon din naisipang magtago ni Noel (Jerald), ang personal driver ng senator. Simula na ng pinakamahabang gabi sa buhay nina Neneng, Jhemerlyn at Noel.
Sa Digital Media Conference ng pelikula, natanong na sakaling magkaroon ng zombie apocalypse at ang mahal nila sa buhay ay maging zombie, ano ang gagawin nila?
Lahad ni Kim, “Tinanong ko po iyan kay Je, gusto ko lang kasing malaman kung ano ang unang magiging reaction niya. Siyempre kasi hindi ba sa pelikula kapag naging ganyan, umiiyak… So, sabi ko kay Jerald, ‘Je kapag ako kinagat ako ng zombie, pangako mo sa akin babarilin mo ako sa ulo’.
“Ang sagot po niya agad, ‘Sige,’ Ang bilis, ang bilis ng sige niya, walang hesistation. So, may kaba po ako, may kaba ako… bakit agad-agad mo akong babarilin sa ulo?”
Wika naman ni Jerald, ‘Sabi mo eh.”
“Hindi, kailangan iyong tulad sa pelikula, ano bang pelikula iyon?” Hirit naman ni Kim.
“Hindi naman pelikula, totoong buhay na iyon, eh,” anang aktor.
“Pero kaya nga, mahal mo nga…” hirit pa ulit ni Kim.
“Mahal naman kita… O, kung ako iyong zombie, kapag sinabi ko sa iyo na barilin mo ako, ano ang gagawin mo?” Tanong ni Jerald.
Sagot ni Kim, “Maghahanap tayo ng ano, iyong parang Train To Busan…”
“Ay wala na, makakagat na kita niyon, Wala na, magbarilan na lang tayo,” wika ulit ni Jerald.
“Kasi siya, babarilin ako agad,” saad naman ni Kim.
Esplikang muli ni Jerald, “Hindi, gagawan ko ng paraan, kaso nang sinabi mo, nag -go signal ka na barilin kita, eh ‘di kagustuhan mo.. susundin ko.”
Bakit ganoon naman ang gagawin niya?
Sagot ni Jerald, “Sabi niya eh, sumusunod lang ako… kapag hindi ko sinunod galit, kapag sinunod ko, galit din…
“Pero gagawan natin ng paraan, siyempre. Eh kung malapit lang, kung naji-jeep lang iyong antidote, pupuntahan natin iyon. Pero kung nasa Cebu pa iyon, three working days ang shipping eh, so, wala na, hindi ba?” Pabirong wika pa ni Jerald.
Hatid ng Reality Multi Media Studios at Viva Films, at mula sa pamamahala ni Direk Miko Livelo, mapapanood ang Sa Haba ng Gabi sa Vivamax simula sa October 29.
Para sa local subscriptions, maaaring ma-avail ang P149/month watch-all-you-can plan sa VIVAMAX app at puwedeng magbayad gamit ang iyong debit, credit card, GCash or PayPal account na naka-link sa iyong Google, Apple o Huawei App Gallery account.
Maaari ring mag-subscribe sa www.vivamax.net, pumili ng plan, at magbayad gamit ang PayMaya, Debit or Credit card, GCash, GrabPay, o sa ECPAY partner outlets na malapit sa inyo. Pwede ring mag-add to cart ng Vivamax subscriptions sa Shopee, Lazada, PayMaya at ComWorks Clickstore.