Advertisers
TINIYAK ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang tulong pinansyal para sa pamilya ng dalawang overseas Filipino workers na napatay sa isang gas explosion sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello na ang pamilya ng mga biktima na sina Clark Bacud Gasis at Merriner Goc-ong Bertoces ay makakatanggap ng P120,000 bereavement assistance mula sa gobyerno.
Ayon pa sa kalihim, handa na ang OWWA na magbigay ng karagdagang tulong na pinapayagan ng batas sa mga pamilya ng mga biktima.
Sa ulat mula sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Abu Dhabi, 10 Filipino kabilang ang dalawang bata ang natukoy sa aksidente na dulot ng gas leak sa loob ng Kentucky Fried Chicken (KFC) restaurant sa kahabaan ng Airport Road noong August 31.
Sa pagsabog, agad nasawi si Gasis, 39, electrical draughtsman mula Surigao del Sur; at Bertoces, 26, KFC – Abu Dhabi employee mula Negros Oriental.
Walo rin ang nasugatan sa pagsabog, anim rito ang agad na dinala sa Sheik Khalifa Medical Center (SKMC) para malapatan ng lunas.
Ang dalawang batang Filipino na nasugatan ay edad 2 buwan at 3 buwan lamang.
Ayon pa sa ulat ng POLO, kabuuang 28 katao kabilang ang iba pang nasyunalidad ang nasaktan sa pagsabog. (Loredett Bonilla)